Abante Tonite Interactive

May kakasa ba kay Sotto?

904

Ngayon pa lang, nagpasabi na si Senador Manny Pacquiao ng kanyang pagsuporta kay Senate Pre­sident Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pagpa­panatili nito sa puwesto sa pagpasok ng 18th Congress.

Kinuwento ni Sotto na tinawagan siya ni Pacquiao at sinabing nakausap na rin niya sina dating Special Assistant to the President Bong Go, dating PNP chief Ronald dela Rosa at dating MMDA chairman Francis Tolentino.

Kung makukuha ni Sotto ang suporta ng tatlong Duterte boys, lalong lalakas at lolobo ang membership ng ‘Macho bloc’ sa Senado kahit mawawala na si Senador Gringo Honasan sa pagtatapos ng kanyang termino ngayong Hunyo 30.

Balak naman ng Senate President na panatilihin si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Majority Leader. Pero dahil sa wala mawawala na rin ang chairperson ng Senate committee on finance na si Senador Loren Legarda na nahalal na kongresista ng Antique, posibleng ibi­gay ang puwestong ito alinman kina Senador Ralph Recto o Panfilo Lacson.

Kapag si Lacson ang naging chairman ng nasabing komite, tiyak na mahihirapan muli ang mga kongresista na makahirit ng pork barrel fund.

‘Di ba’t binara ni Lacson ang P75 bilyong insertion ng Kamara sa post-bicam report. Dahil sa inisyatiba nina Lacson at Sotto, naobliga si Pangulong Rodrigo Duterte na iveto ang P75 bilyong pork ng Kamara, pati na ang P20 bilyon ng Senado.

Mukhang wala namang kakasa kay Sotto para labanan itong maging Senate President. Si Senador Cynthia Villar, ngayon pa lang ay sumurender sa pagsasabing wala raw siyang planong umupo sa nasabing puwesto.

Malamang na si Senador Franklin Drilon ang lumaban kay Sotto bilang Se­nate President. Wala namang numero si Drilon para mapatalsik si Sotto kundi para magkaroon lang ng pormalidad ang pag-upo muli nito bilang Minority Leader.

Kung si Sotto muli ang mamumuno sa Senado, nakatitiyak si Pangulong Duterte na maipapasa ang mga mahahalagang panukalang batas na isusulong ng kanyang administrasyon.