Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May malasakit, tunay na maaasahan!

0 179

Napapanahon ang paalala ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar patungkol sa araw-araw na panganib na kinakaharap ng mga maintenance workers ng mga ospital, klinika at mga laboratoryo.

May mga kababayan kasi tayo na ang itinuturing lamang na frontliners ay ang mga medical frontliners pero nakakalilimutan natin ang mga tinatawag na “non-medical” na frontliners. Kabilang sa kanila ang mga janitors at maintenance workers na araw-araw nalalagay sa panganib ng COVID-19 dahil sila ang naglilinis ng mga ginamit sa mga pagtuturok at pag-oopera. Sila ang nagdi-disinfect sa bawat ospital, kilinika, quarantine facilities, vaccination centers at mga kahalintulad na establisimiyento.

Kasama sa mga non-medical frontliners ang mga guwardiyang nakatalaga sa mga nabanggit na lugar. Sila ang unang humaharap sa mga taong tuturukan, sa mga taong pumapasok sa mga klinika, ospital at vaccination sites.

Tama lamang na bigyan din natin sila ng pansin. Tama lamang na isipin din natin na kung wala ang mga support group na ito ay hindi makaka-function nang maayos ang ating mga medical frontliners tulad ng ating mga doktor, narses, health workers at iba pang propesyon.

Ayon kay nga Eleazar na ngayon ay tumatakbong senatorial candidate sa ilalim ng Partido Reporma nina presidential candidate Sen. Panfilo Lacson at vice presidential candidate Sen. Tito Sotto, malaki ang papel ng mga maintenance personnel sa laban natin sa pandemya. “Huwag sana nating kalimutan ang mga silent worker natin kung ituring – ang ating mga maintenance personnel na humaharap din sa laban kontra COVID-19. Hindi man sila nanggagamot ay malaki pa rin ang papel na ginagampanan nila para mapanatiling maayos na tumatakbo at ligtas ang mga ospital at klinika,” ani Eleazar.

“Walang maliit na trabaho habang tayo ay humaharap sa pandemya. Lahat ay may natatanging ambag kaya dapat lang na pahalagahan din natin ang dedikasyon na ginagampanan ng ating mga maintenance personnel,” dagdag pa ng dating PNP chief.

Kung matatandaan natin kahit noong siya pa ang nakaupong PNP chief, laging inaalala ni Eleazar ang kapakanan ng mga maliliit. Naging consistent siya sa pagpapakita ng magandang halimbawa lalo na kapag may mga pulis na nakakagawa ng kabutihan. Kahit pinakamababang ranggo pa ang gumawa ng kabutihan, pinilit ni Eleazar na personal na makaharap at mapasalamatan ang bawat pulis kahit pa sa mga malalayong lugar para iparamdam na naa-appreciate niya ang ginawa nito. At para nga siyang tatay na ipinagmamalaki ang achievement ng anak.

Sa kanyang bagong tinatahak na landas bilang isang senatorial candidate, maagang ipinapakita ni Eleazar na siya’y tunay na nagmamalasakit. Siya lamang yata ang kandidatong nakaalalang isulong ang dagdag-benepisyo o risk incentives para sa mga janitor, maintenance workers at guwardiya ng mga ospital at klinika.

Sa kasamaang palad, marami tayong mga opisyal at mga kandidato na nakapokus lamang sa panlabas, sa mga malalaki, sa mga kontrobersyal na isyu na alam nilang pinag-uusapan. Gusto lamang nilang sumawsaw sa mga isyung mababanggit ang kanilang pangalan. Hindi nila napapansin ang pangangailangan ng mga taong mas nangangailangan.

Dito pa lamang ay nakikita na natin ang kaibahan ni Eleazar. Isa lamang ito sa mga patunay na si Eleazar ay may malasakit sa kapwa. Ganito po kalawak mag-isip si Eleazar. Nakikita niya ang paghihirap ng lahat, nakikita niya ang pangangailangan ng mga taong dinadaan-daanan lamang natin. Kaya sa darating na halalan, tiyak naming nangunguna si Eleazar sa talaan ng mga iboboto ng mga karaniwang manggagawa. Nakita na nila ang taong tunay ng maaasahan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.