Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May masisilat na yorme

0 103

Noong 2019 elections, sinilat ni Vico Sotto ang nakaupong alkalde na si Roberto Eusebio. Tinapos ng anak ni Bossing Vic Sotto ang halos tatlong dekadang paghahari ng pamilya Eusebio sa Pasig City.

Sa San Juan City naman, tinuldukan ni Francis Zamora ang paninilbihan ng angkan ng mga Estrada at Ejercito ng halos kalahating siglo matapos talunin sa pagka-alkalde si Janella Ejercito-Estrada, apo ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.

Sa May 2022 national at local elections, may masisilat na naman kayang bigating alkalde sa Metro Manila? Mukhang posible ‘yan sa Quezon City. Makakalaban kasi ni incumbent Mayor Joy Belmonte si Cong. Mike Defensor.

Maganda ang plano ng pamangkin ng namayapang Senador Miriam Defensor-Santiago sa Quezon City. Ngayong namamayani pa rin ang pandemya, itutulak ni Defensor na i-transform ang Quezon City General Hospital (QCGH), isang referral facility para sa mga kaso ng COVID-19, bilang “true center of excellence” sa pagbibigay ng pinakamahusay at episyenteng serbisyong pangkalusugan.

Dodoblehin ng mayoral candidate ang bed capacity ng ospital para maging 500 ito. Hangad ni Defensor na gawing modelo ang QCGH sa hanay ng mga ospital na pinapatakbo ng mga local government unit.

Maganda rin ang plano ni Defensor sa mga nagnenegosyo sa lungsod. Magpapatupad agad siya ng bagong local tax incentive upang matulungan ang mga negosyanteng makabangon ngayong pandemya. Sa ganitong paraan, dadami ang trabaho sa siyudad dahil sa pagbubukas ng mas maraming establisiyimento.

“We will also build up Quezon City’s life-saving emergency rescue capabilities, considering that the city has the highest number of road crashes in Metro Manila,” saad ni Defensor.

Base sa datos ng Metro Manila Accident Reporting System, binanggit ng kongresista na ang Quezon City ay may kabuuang 22,494 road crashes noong 2020. Halos apat na beses ang laki nito kumpara sa Maynila na mayroon lang 6,655 kaso, lalo na sa Makati City na may 4,508 aksidente lamang. Nakakapagtaka na halos wala ngang lumalabas na sasakyan noong unang pinatupad ang hard lockdown sa Metro Manila last year ay nakapagtala pa ang Quezon City ng mataas na kaso ng aksidente sa kalsada.

Marami pang nakabibilib na plano si Defensor sa Quezon City at mahihirapan tayong pagkasyahin sa pitak na ito.

Sa tingin ko, malaki ang laban ni Defensor na mapatumba si Belmonte lalo pa’t bigatin din ang running mate nitong si Councilor Winnie Castelo.

Hindi pipitsugin ang mga supporter ni Defensor dahil mga higante ito sa Quezon City na sina Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo (first district), Precious Hipolito Castelo (second district), at Allan Reyes (third district). Kandidato naman sa pagka-kongresista ng 4th district si Councilor Marvin Rillo, 5th district si Rose Lin, at 6th district si dating Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo.

Higit sa lahat, hindi matatawaran ang record ni Defensor sa public service dahil hindi lang ito nagtrabaho sa Lehislatura kundi sa Ehekutibo rin. Saan ka pa?

Leave A Reply

Your email address will not be published.