Abante Tonite Interactive

May mga `kumakapit’ at may mga `kumukupit’

0 563

Kahit may pag-asang maluwagan na mga tropapips ang enhanced community quarantine sa ibang lugar, hindi pa tapos ang laban natin sa COVID-19. Kaya naman dapat na patuloy pa ring kumapit at magtiis, habang ang mga buraot na opisyal (lalo na sa barangay), malamang patuloy pa rin sa pagkupit.

Dahil sa made in China na virus na ito, aba’y nasusubok talaga ang katatagan, pasensiya, pagiging madiskarte at maging ang pananampalataya ng marami sa atin. Nakakalungkot lang na may mga kababayan tayo na hindi kinakaya ang pagsubok at “bumitiw” sa laban sa pamamagitan ng pagwawakas sa sarili nilang buhay.

Sa mga pinaghihinaan na ng loob, tandaan na may mga hotline na puwedeng tawagan kung nahihiyang makipag-usap sa kaibigan, kamag-anak o kakilala. Ang mga matatatag ang loob at kaisipan, huwag kalimutang kumustahin ang mga mahal sa buhay o kaibigan na sa tingin niyo eh may palatandaan na hindi dapat mapag-isa.

Hindi naman talaga madali ang sitwasyon ng marami sa atin mula nang magkaroon ng lockdown aka ECQ. Pero kailangang ipatupad ang ECQ para mapigilan ang pagkalat ng virus. Marami ang nawalan ng hanapbuhay at may mga nangangambang baka hindi na nila kayang tustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Mayroon ngang mga napabalitang pinapaalis sa inuupahan nilang bahay o kuwarto dahil wala nang pambayad. Pero hindi ba karaniwang may advance at deposit sa renta? At ang mga kababayan nating mga OFW at seaman, aba’y nag-uuwian, bagay na hindi malamang inasahan ng marami.

Ngunit hindi lang ngayong may lockdown kailangang ihanda ang sarili at isipan — dapat kahit o kapag maalis na ang ECQ. Marami kasing “new normal” na inaasahang mangyayari sa abnormal na sitwasyon. Kasama na siyempre diyan ang usapin na kung papaano magsisimula sa nabangkaroteng negosyo o paghahanap ng bagong trabaho.

Malamang na nandiyan pa rin ang alalahanin kung papaano bubuhayin ang pamilya. Kaya mahalaga pa rin na manatili ang ayuda at suporta ng gobyerno sa mga tao para makapagsimula. Ang problema, habang patuloy ang ayuda, malamang patuloy pa rin ang pangungupit ng ilang buraot na opisyal tulad ng mga kapitan at kagawad ng barangay.

Wala mang aamin, pero malamang na may mga kapitan at kagawad na nagsasabwatan para makapitik ng relief goods at perang ayuda. Isa nga sa madalas na marinig nating reklamo sa mga kurimaw nating nagbibilang ng “wave” sa ayuda, ay iyong mga kupitan na nakikihati sa ipinamigay na pera sa Social Amelioration Program.

Ang idinadahilan daw nina kupitan, kulang ang SAP at may mga kalugar silang hindi nabigyan ng ayudang pera. Kaya raw “hahatiin” na lang nila ang pera para mas marami ang mabigyan. Ang malaking tanong, totoo naman kaya o sa bulsa nila nina kagawad ang punta?

May mga sumbong din na may kupitan at alipores nila na nanghihingi ng “donasyon” para kuno anu-anong programa para raw makatulong sa iba kapalit ng SAP form o kaya eh bago makakuha ng pera. Ginagawa ito ng mga kupitan na para bang kanila ang pera at utang na loob ng mga tao sa kanila kapag nakatanggap ng ayuda samantalang galing sa buwis at nasyunal ang pondo.

Dahil matagal pa ang laban sa made in China na virus na ito, dapat sigurong magsampol na ang DILG ng buraot na kupitan na dapat “kalusin” para hindi pamarisan. Habang ang mga kababayan naman natin, tiis-tiis lang at higpitan lang ang kapit para makaraos at maging isang survivor sa krisis na ito. Kapag nakaligtas ka sa COVID-19, buhay ka; at habang may buhay, siyempre, may pag-asa.

Laging tandaan: “Bata mo `ko at Ako ang Spy n`yo.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad