Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May naririnig na ‘bulong’ binata nagbigti

0 33

Nagpakamatay ang isang lalaki sa Bacoor City, Cavite, Lunes ng hapon, dahil sa umano’y naririnig na mga bulong at ‘sakit sa pag-iisip.’

Hinihinalang may ilang oras nang patay ang 32-an­yos na binata ng Brgy. Molino 3, Bacoor City.

Natagpuang patay ang biktima sa kisame sa loob ng comfort room sa barracks ng Crown Asia ng kanyang nakababatang kapatid dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni P/SSgt. Albert Badocdoc, pinuntahan ng kapatid ang kanyang kuya upang hatiran ng pagkain kung saan ito tumutuloy.

Pagdating sa lugar, napansin niyang sarado ang mga bintana at pintuan dahilan upang puwersahang buksan nito ang banyo at nakitang patay ang kapatid.

Ayon kay Badocdoc, ang biktima ay dating nagtratrabaho bilang construction worker sa Crown Asia subalit tinanggal umano ito dahil natuklasang may sakit umano sa pag-iisip at kapag sinusumpong ay nang-aaway umano ng kapwa trabahador.

“Pero kahit tinanggal siya sa trabaho ay pinayagan siyang tumira sa barracks ng Crown Asia dahil ‘pag nasa bahay umano nila ay hindi siya nakakatulog dahil may mga ‘bumubulong’ umano sa kanya,” dagdag ng pulis.

Nabatid pang sinabi ng mga kamag-anak na dati umanong gumagamit ng shabu ang biktima at posibleng ang mga naririnig nitong bulong ay ‘epekto ng droga’.

Samantala, puwedeng tawagan ang NCMH 24/7 crisis hotlines na 0917-899-8727 o 7989-8727 para sa mga Pinoy na may katanungan tungkol sa mental health, kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin o nanganganib na mag-suicide. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.