Abante Tonite
Mabilis sa Balita

May nasampolan na sa ‘padrino’ system

0 354

Seryoso si PNP chief General Guillermo Eleazar na wakasan ang umiiral na ‘padrino’ at ‘palakasan’ system tulad ng kanyang ipinangako nang iluklok sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan lamang ay inilunsad ng PNP ang paggamit ng QR code sa pag-recruit ng mga pulis para maiwasan ang kurapsyon at para matiyak na walang magiging palakasan sa pagkuha ng mga aplikante.

Kaya naman timing ang pagkakatimbog ng Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Philippine National Police sa Taguig City sa isang babaeng fixer umano sa police recruitment.

Akala yata ng sindikato sa likod ng PNP recruitment ay nagbibigo si General sa bantang walisin ang padrino system.

Nagkakamali kayo riyan kaya minalas ang bebot na fixer na nasakote sa ikinasang entrapment operation na nagpakilalang agent ng Public Safety Savings and Loan Association Incorporated.

Nabatid na bahagi ng modus ng bebot ay maningil ng mula P50K sa mga recruits kapalit ng pagkakapasa sa lahat ng testing kabilang ang neuro psychiatrict test na isa sa requirement sa pagka-pulis.

Kaya gigil si General sa pangyayari dahil ito aniya ang sumisira sa kapulisan.

“Ito yung napakahalaga, napaka importante ng lahat ng pulis natin nasa wastong pag iisip base sa parameters ng ating Napolcom at health service examination na ito,” anang PNP chief kahapon nang iprisinta sa media sa natimbog na suspek.

Nahaharap ang suspek sa robbery extortion at nakakulong sa IMEG detention cell sa Camp Crame.

Pero hindi pa rito natatapos ang lahat dahil aalamin pa ng PNP kung sino ang kasapakat ng suspek na kumantang may koneksyon sa PNP Health Service.

Kaya sa mga malilikot ang isip dyan at pinagkakakitaan ang recruitment sa PNP, sorry kayo dahil hinding-hindi ninyo maiisahan si General Eleazar pagdating sa ganyang laban.

Manahimik na lang kayo dahil seryoso at sinsero ang Heneral na ibangon ang imahe ng PNP.

Marami ng pagbabagong ipinatupad ang kasalukuyang pinuno ng PNP para maibalik ang tiwala ng publiko at malinis ang hanap ng mga kapulisan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.