Abante Tonite Interactive

May pag-asa pa ba tayong mga Pinoy?

274

Sa umpukan ng mga naghuhuntahan, walang kagatol-gatol na napatanong ang isa nating tambay na kurimaw kung may pag-asa pa kaya ang bansa natin, at tayong mga Pinoy na magbago at umasenso?

Pero bago natin pag-usapan ang tungkol sa “pag-asa,” napag-usapan din sa umpukan ang tungkol sa panukalang P3.757-trillion 2019 national budget na parang natrapik sa EDSA na hindi na umusad kahit naratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

At kasunod na dapat ng ratipikasyon, pipirmahan ito ni President Mayor Digong Duterte para ganap nang maging batas at maipatupad na ang tamang pondo ngayong taon ng bansa. Mula kasi nitong nakaraang Enero hanggang sa kasaluku­yan, re-enacted budget, o budget pa rin na katulad ng alokasyon noong 2018 ang ginagamit ng pamahalaan dahil hindi pa nga naaaprubahan ang 2019 budget.

Maayos na sana ang usad ng budget matapos na maratipikahan kung hindi lang dahil sa umano’y ginawang pagkalikot dito ng liderato ng Kamara de Represen­tantes, na ayon sa pagsisiwalat ni Senador Ping Lacson, eh para paboran ang mga kaalyado ng liderato ng Kamara.

Ang matindi, isiniwalat naman ni Senate President Tito Sotto na batay sa Senate’s Legislative Budget Research and Monitoring office, may ginawang re-alignment ng pondo ang liderato ng Kamara na aabot P79 bilyon.

Sa ilalim ng batas mga tsong, bawal nang galawin ang budget kapag naratipikahan na ng Kamara at Senado. Pero natural na itatanggi ng Kamara ang bintang at idinahilan na “pag-itemized” lang daw ang ginawa nila at walang paglilipat ng pondo.

Pero ang kasunod nito, inakusahan naman ng Kamara ang mga senador na sila raw ang nag-realigned ng mga pondo. Kung totoo ang bintang ng Kamara, aba’y lumalabas na ginalaw ang budget kahit na nirapitikahan na. Ang tanong ng ating kurimaw, bakit huli ang Kamara sa pagbintang?

Nang araw na gawin natin ang pitak na ito, nagpahayag si President Mayor Duterte na hindi niya pipirmahan ang anumang dokumento na labag sa batas. Kapag nangyari iyan, aba’y posibleng magkaroon ng bagong budget pagkatapos na ng eleksyon kapag bago na muli ang liderato ng Kamara.

Ngayon, pag-usapan na natin ang magandang tanong ng tambay natin kurimaw kung may pag-asa pa kayang magbago ang bansa at ang mga Pinoy? Himutok na puna niya kasi, parang walang magandang pagbabagong nangyayari sa bansa. Isa sa pinagtuunan niya ng pansin ang kalsada na napakarami daw na buraot na motorista. Lalo pa raw naging peligroso ang kalsada dahil sa mga tinawag niyang “kamote” rider, o ang mga balasubas na nagmamaneho ng motorsiklo.

Hindi natin siya masisisi tungkol sa mga moto­rista at mga rider. Marami sa mga nagmomotorsiklo ang hindi marunong sumunod sa batas kung saan sila dapat lumugar sa kalsada. Aba’y pati nga bangketa, sinasampahan ng mga kamote rider. Kapag nakasagi ng mga tao, magkakamot lang ng ba… tok. Kapag naman sila ang nasagi ng mga jeep, kotse o trak, aba’y ang nakasagi pa ang makukulong dahil sasabihin na dapat nagparaya sila sa mas maliit na “motorsiklo” kahit kamote ang rider.

May mga motorista rin na lumalabag sa batas trapiko at kapag sinita ng mga motoristang sumusunod sa batas, aba’y sila pa ang galit. Puna pa ng ating kurimaw, kung tama raw ang sinabi ni President Mayor Duterte na mas dumami pa ang adik ngayon, aba’y papaano na kapag natigil ang matinding kampanya laban sa droga? Ang mga pulis naman, dumadami rin ang sangkot sa kalokohan.

Ang mga manggagawang Pinoy naman, mas gustong mag-abroad para kumita nang mala­ki. Samantalang ang mga trabahong bakante sa Pilipinas, napupunta raw sa mga dayuhan. At sa halip na ipagtanggol daw ng mga kinauukulang opisyal na dapat mga Pinoy ang unang mabigyan ng trabaho sa ating bansa, aba’y lalaitin pa ang mga Pinoy at pagsasabihang tamad. Siyempre, nandiyan din ang isyu ng walang tigil sa korupsyon na sakit ng ulo ni Duterte.

Marami pang himutok ang ating kurimaw na ang pawang tumbok ay kawalan daw ng disiplina at pagiging makasarili ng mga Pinoy. Kung kayo mga tsong ang tatanu­ngin, may pag-asa pa nga ba tayong umasenso at magbago? Ano nga ba ang kailangan gawin? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”