Abante Tonite Interactive

May problema sa pagpili ng opisyal ng gobyerno

By
280

Maaaring kahanga-hanga ang mabilis na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad sibakin o palayasin sa puwesto ang sinumang opisyal ng gobyerno na masasangkot sa katiwalian.

Ayon nga mismo sa Pangulo, maamoy pa lamang ay agad nang maaalis sa puwesto ang sinumang opisyal na masasangkot sa corruption dahil nais niyang malinis sa katiwalian sa gobyerno.

Maraming natanggap na sa puwesto kabilang na ang ilang miyembro ng gabinete at iba pang opisyal na kilalang malapit at matagal nang kakilala at nakasama ng Pangulo.

Isa na rito sina da­ting Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na kaklase pa ng Pangulo at si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo ay matagal nang kakilala at tulad din niyang taga-Davao.

Pero sa kabilang banda ay kung ating sisipa­ting mabuti ang pagkakasangkot ng ilang opisyal sa umano’y katiwalian ay maaaring sabihin natin na saan ba ang problema?

Sa aking pananaw ay maaaring may pagkukulang sa pagsusuri at pag-screen sa mga taong itatalaga sa mga puwesto sa gobyerno.

Hindi lang naman kasi ang pagiging malapit sa Pangulo at ang maitutulong nito sa eleksiyon ang requirement para masungkit ang anumang puwesto.

Dapat ay suriing mabuti ang kakayahan at integridad dahil ang Pa­ngulo rin kasi ang maaa­ring maapektuhan dito.

Maaaring ang ma­ging persepsiyon ay mahina kumuha ng tao ang Pangulo kung kaya’t maraming nakakapasok sa gobyerno ang nasasangkot at nasisilaw sa salapi na humahantong sa katiwalian.

Panahon na upang maghigpit mismo ang Pangulo sa mga rekomendasyon at pagpili sa mga itatalaga ng tao sa anumang posisyon sa gobyerno dahil ang pangalan ng Pangulo ang nakataya rito.

Ang kagandahan lang sa ugali ng Pangulo ay mabilis itong kumilos na agad tanggalin o sibakin sa puwesto ang sinumang nasasangkot sa katiwalian kahit pa kanyang kaklase, kaibigan o matagal nang kasama.