Abante Tonite Interactive

May sarili tayong kultura bago pa dumating ang mga dayuhan

397

Ang aking pananaw sa kasaysayan ay maka-Pilipino. Alam na marahil ng lahat ng masugid na nagbabasa at nanonood sa akin. Itinataguyod ko rin ang ‘Pantayong Pananaw’, ang ideyang dinalumat ni Zeus A. Salazar na nangangahulugan na pagsasalaysay ng sarili nating kasaysayan sa ating mga kababayan gamit ang wikang naiintindihan ng halos lahat.

Ngunit may mga kritiko na nagsasabi na tila napako na sa pagiging reaktibo ang kasaysayang makabansa. Ibig sabihin, lagi na lang parang reaksyong pagalit sa dayuhan ang ating mga pagkukuwento.

Natural naman ito kasi matagal ring panahon na ang dominanteng pagkukuwento ay ang kasaysayang kolonyal, ‘yung sinulat ng mga dayuhan para papurihan ang kanilang pananakop sa atin na nalanghap naman at ipinagpatuloy ng mga Pilipinong manunulat at ng ating sistemang edukasyon. Minsan, kinakailangan pa rin maging reaktibo dahil hanggang ngayon sa maraming Pilipino, nananatili ang ideya na wala tayong kultura bago dumating ang mga dayuhan kaya kailangang ipakita na mayroon nga at hindi natin utang lahat sa taga-labas.

Subalit sa totoo lang, marami nang magagandang teksbuk ang lumabas sa nagdaang 20 taon dahil na rin sa pagpupunyagi ng mga maka-Pilipinong awtor at historyador. Dagdagan pa ng tulong mula sa media at social media sa pagpapalaganap ng public history, Pilipino na ang pananaw sa kasaysayan ng marami. Mas problema na lamang ngayon ang disimpormasyon.

Kaya para sa akin, ang maka-Pilipinong kasaysayan ay hindi na dapat reaktibo kundi ‘confidently beautiful with a heart’ na nagkukuwento na lamang tungkol sa sarili.

Subalit may ilan na tila hindi na natapos sa pagiging reaktibo. Halimbawa sa pagdi­riwang ng Kwinsentenaryo sa 2021, ang buong daigdig ay ipagdiriwang ang Ekspedisyong Magellan na maikot ang mundo bilang tagumpay ng siyensya at ng sangkatauhan. Ngunit may ilan sa atin na nagsasabing dapat si Lapulapu lamang ang ating ipagdiwang. Hindi raw dapat salubungin ang Hari ng Espanya kung nais dumating dito.

Sa aking palagay, hindi na dapat ganoong mag-isip. Ang tagal na ng panahon ng Espanyol at ma­lakas na ang ugnayan natin sa kanila sa mga nagdaang taon. Walang masama na habang ipinagdiriwang pa rin natin unang-una ang tagumpay ni Lapulapu ay ipinagdiriwang din ang Kristiyanismo na relihiyon ng nakararami at ang pag-ikot sa daigdig.

Nasyonalismo kuno pero kung totoong sigurado na sa sarili bakit tila ‘insecure’ pa rin tayo. Dapat naratibong ‘panalo’ na tayo. Hindi naman kakalimutan ang masamang nangyari sa kolonyalismo. Kailangan lang ng i­bayong maturity.

Kung tutuusin mas marami pang sarili na­ting mga kababayan ang nagtolongges sa atin. Palibhasa kasi inuun­a ang politika at pogi points kaysa sa kasaysayan.