Abante Tonite Interactive

May the best man win!

0 315

Habang nalalapit ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay lalong umiinit ang usapin sa isyu kung sino ang susunod na House Speaker ng 18th Congress.

Ito ay sa kabila ng ginawang pag-endorso ng Pangulo kay Congressman Alan Peter Cayetano para maging lider ng Kamara.

Hindi pa rin kasi nakakasiguro ang kongresista na sa kanya na ang House Speakership dahil pagbobotohan ito ng mahigit isandaang kongresista pagdating ng Hulyo 22.

Mayroong sariling supporters ang dalawa pang contender na sina Congressman Lord Alan Velasco at Congressman Martin Romualdez at bagama’t nagsalita na ang Pangulo patungkol sa term-sharing at pagiging majority leader ni Romualdez, hindi nangangahulugang ito ang susundin ng mga mambabatas sa Kamara.

Sari-saring opinyon ang lumulutang ngayon matapos ianunsiyo ng Pangulo ang pagpili kay Cayetano kaya inaasa­hang magiging exciting ang mga susunod na araw.

Ang balita ko, mas maraming suppor­ters sina Romualdez at Velasco kumpara kay Cayetano kaya tiyak na paghahatian ang boto sa Kamara, idagdag pa ang paglutang ng pangalan ni Congressman Isidro Ungab na inendorso naman ng kampo nina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Congressman Paolo Duterte.

Si Ungab naman ang susuportahan ng mga bagitong mambabatas na sumusuporta sa Duterte Coalition kaya abangan ang susunod na kabanata.

Wala pang nababanggit sa Kamara kung sec­ret voting o nominal voting ang gagawing paraan ng botohan kaya lahat ay nag-aabang sa magiging kaganapan sa pagbubukas ng 18th Congress sa susunod na dalawang linggo.

Napagkukuwentuhan din ng ilang sumusubaybay sa takbo ng politika sa bansa ang posibilidad na gumana ulit ang ‘kamandag’ ni Mayor Sara tulad ng nangyari noong nakalipas na SONA ng Pangulo kung saan napatalsik si dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Hindi masyadong ‘close’ ngayon ang anak ng Pangulo kay Cayetano kaya hindi maiwasang mag-isip na baka may sorpresa na naman sa Hulyo 22.

Sa mga ganitong tunggalian sa puwesto ay aasahan ang ‘gapa­ngan’ at panunuyo sa mga kongresista para makasiguro ng boto, at kung ano man ang kapalit o pangako ay nasa mga contender na ang diskarte para makatiyak ng panalo.

Eh bakit nga naman hindi, kapag nasungkit ang puwesto para maging House Speaker, ikaw na ang pang-apat sa pinakamakapangyarihang opisyal sa Pilipinas!

Pero ano man ang magiging kalalabasan at kung sino man ang mapipiling House Speaker, sana pagkatapos ng tunggalian ay harapin agad ang trabaho sa paggawa ng batas at isaalang-alang ang mabilis na serbisyo para sa mga Pilipino. Good luck sa lahat ng mga nais maging House Speaker!