Abante Tonite Interactive

May utang na market operator tinablan sa babala ni Isko

836

Nagbayad na ang isa sa market operator na tinamaan sa inilabas na babala ni Manila Mayor Isko Moreno na may mga milyon-milyong utang sa pamahalaang lungsod sa loob ng dalawang taon.

Iniulat ni Moreno, na ang XRC Mall Developers Inc., ang unang nakatugon sa kanyang panawagan at nakapagbayad na ng P12.9 milyong tax deficit.

Ang XRC ang nagpapatakbo sa Sta. Ana Market, San Andres Market, Sampaloc Market at Trabajo Market.

Obligado ang XRC na magbayad ng P5.5 milyon sa lokal na pamahalaan alinsunod sa joint venture agreement na nilagdaan kasama si dating Manila Mayor Joseph Estrada.

Ngunit simula 2017, hindi na nagbayad ang XRC at umabot sa P14.38 ang kanilang utang.

Hindi naman na pagbabayarin pa sa kulang ang XRC dahil nagkaroon nang tax amnesty program ang Manila local government noong nakaraang buwan, ani Moreno.

Samantala, hindi pa nagbabayad ang Marketlife Management and Leasing Corporation ng kanilang P11.16 million tax deficit.

Ang Marketlife ang operator ng Quinta Market.

Paalala ni Moreno, may 48 oras na lang ang naturang operator.

Una rito, nagbabala si Moreno na kung hindi makababayad ang dalawang operators ay gagawin nang invalid ang kanilang mga kontrata.

Ngunit dahil bayad na ang XRC, hindi na umano sila mahaharap sa anumang reklamo. (Mina Aquino)