Abante Tonite Interactive

Mayayaman palong-palo kay Duterte; mga pobre tumamlay

By
3

Parehong tumamlay ang trust at performance ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling Ulat ng Bayan national survey ng Pulse Asia Research, Inc. na isinapubliko ngayong araw.

Batay ito sa isinagawang nationwide survey field work ng Pulse Asia noong March 15 hanggang 20 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas.

Nasa 76% ang trust ratings ng presidente sa unang quarter ng 2017 – mas mababa ito ng 7% kumpara sa 83% na naitala noong December 2016.

Pagdating naman sa performance, mula sa 83% na naitala noong December 2016, bumaba sa 78% ang ratings ng punong ehekutibo ngayong Marso.

Kung hihimayin ang datos sa socio-economic class ng comparative performance at trust ratings ng Pangulo mula Disyembre 2016 hanggang Marso 2017, kapansin-pansin ang pagdami ng mga nasa Class E o mga pinakamahirap na Filipino na nawawalan na ng tiwala at hindi na kuntento sa performance ni Duterte.

Bumaba ng 11% ang mga nagtitiwala kay Duterte mula sa Class E o pinakamahirap na Filipino kung saaan mula sa dating 85% noong December 2016, pumalo na lamang ito ng 74%. Dumami rin ng 7% ang mahihirap na undecided at umakyat din ng 4% ang mga nawalan ng tiwala sa pangulo.

Mas mataas naman ng 12% ang trust ratings ng Pangulo pagdating sa mga Pinoy na mayayaman tulad ng mga oligarchs o may koneksyon sa negosyo at pulitika.

Sa performance rate, nabawasan ng 8% ang mga nasa Class E o mga mahihirap na Pinoy na kuntento sa trabaho Pangulo at 5% ang nadagdag sa mga hindi natutuwa sa performance nito.

Mas dumami naman ang oligarchs o mga mayayamang Filipino ang nagsabing kuntento sila sa performance ng Pangulo.