Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila ‘exception’ sa NCR highest alert level, malaking hamon

0 80

Muli binigyan ako ng rason ng aking mga kasamahan sa lokal na pamahalaan at kapwa Batang Maynila upang maging masaya at ‘proud’.

Ito ay matapos mangyari na tanging lungsod ng Maynila lamang sa buong National Capital Region (NCR) ang hindi kasama sa pinakamataas na alert level ng COVID-19 kamakailan lamang.

Sa paghayag ng magandang balitang ito, sinabi ng Department of Health na dahilan ang status ng Maynila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng impeksyon sa Metro Manila, gayundin ang ‘hospital bed utilization’ sa lungsod.

Sa kabila nito ay hindi kami maaring magkampante at itinuturing namin ito bilang hamon upang higit pang magbuti sa trabaho. Ako at si Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na maghahanap ng mga kaparaanan upang mapagaan ang patuloy na hagupit ng COVID sa lungsod at mananawagan pa rin kami sa lahat na magpabakuna na.

Hanggat may mga kaso at namamatay, gaano man kakonti, patuloy kaming magta-trabaho upang labanan ang pagkalat ng coronavirus.

Labis akong nagpapasalamat sa Panginoon na ang ating ikapitong ospital, ang Manila COVID-19 Field Hospital located sa Luneta, ay natapos bago pa man tumaas ang bilang ng COVID cases.

Bukod sa lahat ng bahagi ng Metro Manila, ang aming mga pasyente ay nanggagaling sa malalayong lugar gaya ng Bulacan, Pampanga, Cavite at Batangas,. Ang aming 344-bed capacity ay halos palagiang at ni hindi ko malubos-maisip kung gaano kahirap kung hindi nagawa sa tamang panahon ang aming COVID hospital.

Gaya ng aming mga pinatatakbong ospital sa lungsod, ang mga ‘life-saving drugs’ na aming binili, partikular na ang Remdesivir at Tocilizumab, ay mabilis ding maubos sa loob ng maikling panahon lamang at ang mga nakinabang dito nang libre ay nagmula din sa malalayong lugar at probinsiya. Ang mga gamot na ito ay hindi lamang mahirap hanapin o mabili kundi ubod pa ng mahal.

Ukol sa kalagayan ng mass vaccination program ng lungsod sa ilalim ng pamamahala nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, patuloy pa rin ito at hind isa pagmamalaki, naabot na ng Maynila ang target nitong porsyento ng tinatawag na ‘population protection’ may ilang lunggo nang nakararaan.

Sa katunayan, sinisimot na lamang ng Maynila ang mga barangay na may mga di pa bakunado, gaano man kakonti ang mga ito.

Ibinaba namin ang bakunahan sa ‘grassroots level’ sa pamamagitan ng aming 45 barangay health centers, bagamat patuloy ang bakunahan sa mga shoppings mall na aming itinalaga bilang vaccination sites.

Habang isinusulat ito ay malapit nang maabot ng Maynila ang isang milyong bilang ng mga ‘ fully vaccinated’ sa lungsod.

Nitong Setyembre 8 ay umabot na sa 931,902 katao ang fully vaccinated na sa Maynila at batay sa aming datos, ang mga nabakunahan ay nasa 1,288,414 na habang ang kabuuang bilang ng mga bakunang naiturok na ay nasa 2,172,966.

Halos 100 porsyento ng mga nakatanggap ng first dose ay bumalik naman para sa kanilang second dose upang makumpleto ang kanilang bakuna.

Sa puntong ito ay nagpapasalamat ako sa mga Batang Maynila para sa patuloy nilang pagsunod sa aking panawagan na magpabakuna agad hindi lamang para sa kanilang proteksyon kungdi maging ng kanilang mga mahal sa buhay.

Nitong September 6, 2021, umabot naman sa 2,199,072 katao ang nagparehistro na sa www.manilacovid19vaccine.ph.

Ang swab tests ay patuloy na ibinibigay nang libre sa mga taga-Maynila at taga-ibang lungsod at kaugnay nito ay nag-update ng numero ang Manila Emergency Operation Center (MEOC) sa ilalim ni Dr. Ed Santos, assistant chief of the Manila Health Department (MHD).

Ang mga baong numero ng MEOC ay ang mga sumusunod: 09608229384/ 09777297572/ 09150656335/ 09616281414/ 09610627013/ 09684389304 at 09954966176.

Aking inaanyayahan ang sinumang may duda o nais lamang ng ‘peace of mind’ na magpa-swab test at libre naman ito. Pero siyempre, ang pangunahin kong apela ay ang pagsunod sa mga itinakdang health protocols upang maiwasan ang impeksyon.

Sa pamamagitan ng nagkakaisa at kusang disiplina lamang natin maaring talunin ang COVID-19.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.