Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila hindi rapid test ang gamit sa drive-thru, walk-in COVID testing center

0 527

Kelan lang ay napansin ko na marami ang maling ulat na naglalabasan na sinasabing rapid test kits ang ginagamit sa aming mga drive-thru at walk-in COVID testing centers kaya’t hindi ‘reliable’ o maaasahan ang resulta nito.

Bagamat di ko na mabilang kung ilang beses ko na ipinaliwanag, maging sa mga interview, na mali ang ganitong impormasyon o pagkakaintindi ng mga nag-uulat, muli kong ipaliliwanag para sa mga interesado na makakuha ng mas tamang impormasyon at pag-intindi kung ano ang aming ginagawa sa Maynila.

Partikular kong pinabubulaanan ang mga ulat na ang aming mga bagong-tayong drive-thru at walk-in COVID testing centers sa lungsod ay gumagamit ng rapid test kits, dahilan upang ang mga sumasailalim doon ay hindi dapat na magpaka-kampante. Hindi lamang nito nililigaw ang publiko na tumatangkilik sa libreng testing kundi tila pagmamaliit din ito sa mga pagsusuri na ginagawa ng lungsod.

Inuulit ko, ang ginagawa po namin ay hindi “rapid tests” kung hindi “serology anti-body lab testing” na higit at di hamak na mas maaasahan, episyente at accurate kesa sa rapid test kits.

Una, ang mga tests na ito ay hindi nagkakaroon ng ‘false positive’ o ‘false negative’ na resulta gaya ng nakukuha gamit ang rapid test kits.

Ikalawa, ang mga rapid tests ay ‘strip-based’ lamang samantalang ang serology tests sa Maynila ay ‘laboratory-based’. Ang mga blood sample ay dinadala sa laboratoryo at isinasailalim sa serological tests, na, batay sa aking sariling pananaliksik, ay nangangahulugan ng ganito: “blood tests that look for antibodies in the blood as well as diagnose various disease conditions.””

Habang maraming uri ng laboratory techniques, ang ginagamit ng lungsod ay pinamakataas sa mga kategorya ng laboratory testing. Bakit ito ang ginagamit namin? Dahil ito ay mas sensitibo at tukoy kaysa sa rapid test. Kung sa swab tests ang mga samples ay kinukuha mula sa ilong at bibig at ang ito ay dinadala sa makina para masuri at ma-analisa, ang aming mga drive-thru at walk-in centers sa kabilang banda, ay kumukolekta ng blood samples at ito ay sinusuri at ina-analisa din sa mga makina na aming binili.

Sa swabbing, ang makinang gamit ay reverse time-polymerase chain reaction (RT-PCR) samantalang sa mga drive-thru at walk-in centers, ang gamit namin ay ‘Architect i1000 SR’ machines na binili namin mula sa Abbott Laboratories, isang multinational company na nakilala sa paggawa ng mga nasabing uri ng makina.

Ayon sa mga nakausap naming medical professionals, ang mga makinang ito ay talagang de primera klase, na may 99.6 percent specificity at 100 percent sensitivity at siya ring ginagamit sa mga pribado at mamahaling ospital.

Kaya naman kami ay natutuwa na sa aspetong ito, ating na-bridge, ika nga, ang diprensiya ng mahihirap at mayayaman dahil ang mga makinang ginagamit sa mayayaman at ginagamit na rin ngayon sa mahihirap.

Kampante akong sabihin na ang pagbili namin ng mga nasabing makina ay talagang ‘value for money’ dahil ang mga ito ay maaring gamitin maski tapos na ang pandemya dahil makatutulong din ito sa pagsusuri ng impeksyon o mag-check ng nakalipas na impeksyon. Maari din itong gamitin sa ibang nakamamatay na sakit gaya ng human immuno virus or HIV, hepatitis, thyroid, cardiac at cancer markers.

Tukoy o accurate din ang mga resulta mula sa mga makinang ito kaya’t wala ‘yung tinatawag na ‘false positive’ at ‘false negative’ na gaya ng sa rapid test kits.

Sa kasalukuyan ay nakabili na kami ng Architect i2000 machine na may double load capacity kumpara sa Architect i1000 at sa katunayan ay ginagamit na namin ito sa ngayon sa walk-in COVID-19 testing center sa Justice Abad Santos General Hospital (JASGEN) sa ikatlong distrito ng Maynila. Sa mga kaganapang nangyayari kaugnay ng COVID-19, ako at si Vice Mayor Honey Lacuna, sa tulong at suporta na din ng aming key medical officers, ay patuloy sa pagbalangkas ng mga paraan upang higit pang mapagbuti ang aming approach at ginagawa laban sa mga problemang dulot ng pandemya.

Nais kong tiyakin sa lahat na ang mga testing na aming isinasagawa sa drive-thru centers sa harap ng Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City Hall at sa Independence Road sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta ay hindi rapid tests. Gayundin sa aming walk-in test centers sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at JASGEN.

Ang mga tests na ito ay reliable o maaasahan at ito ay bukas sa lahat, taga-Maynila man o hindi at higit sa lahat, ito ay libre.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.