Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila may bagong drive-thru vaccination site

0 222

Sa oras na lumabas na ang pitak na ito ay tiyak na nabuksan na namin ni Vice Mayor Honey Lacuna ang drive-thru vaccination site ng lungsod ng Maynila na matatagpuan sa may Quirino Grandstand sa Luneta.

Pinasasalamatan ko sina Metro Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, National Task Force (NTF) against COVID-19 Deputy Chief Implementor Secretary Vince Dizon, DOH-NCR assistant regional director Dr. Paz Corrales at DOH assistant chief Elmer Punzalan sa kanilang pagdalo sa nasabing okasyon.

Ang paunang magkakamit ng bakuna sa drive-thru vaccination site ng lungsod ay 400 katao at matapos niyan, 100 kada araw na ang aming babakunahan sa loob ng susunod na dalawang linggo.

Bukas po ang nasabing bakunahan mula 7 a.m. hanggang 7 p.m., sa sistemang ‘first-come, first-served basis’, araw-araw kasama ang Sabado at Linggo, umaraw man o bumagyo.

Muli ay aking pinasasalamatan ang IT (information technology) team ng pamahalaang-lokal sa ilalim ni electronic data processing department chief Fortune Palileo sa pagsasaayos ng sistemang aming ginagamit na, ni singko ay walang naging gastos ang lungsod.

Ang mga interesado ay maaring magpa-reserba ng slots pero bago niyan, dapat muna silang magrehistro sa www.manilacovid19vaccine.ph. Walag walk-in na tatanggapin.

Aking inanunsiyo na tatanggap ang drive-thru vaccination site ng mga reservations para sa mga nakatakdang araw ng bakunahan na tatagal ng dalawang linggo para sa kabuuang 1,400 doses o 100 doses kada araw.

Gayunman, ni hindi pa man ako nangangalahati sa aking live broadcast ay napag-alaman kong lahat ng available na slot para sa dalawang linggo ay naubos na.

Nangangahulugan lamang ito na talagang desperado na ang mga tao na magpabakuna at ito, para sa akin, ay isang magandang balita.

Para sa mga kukuha ng reservation sa aming drive-thru vaccination, sa oras na kayo ay rehistrado na, maaring i-click lamang ang ‘my record’ at ibigay ang inyong contact number at pangalan. Makakakuha kayo ng ‘prompt’ upang protektado ang inyong privacy at matapos niyan ay inyong tipahin ang inyong OTP o one-time pin.

Sa inyong account, kapag nakita Ninyo ang pulang bahagi na nagbi-blink, ibig sabihin nito ay may mga bakunang available sa drive-thru. Kapag walang ‘blink,’ nangangahulugan lamang na ubos na ang bakuna o di kaya ay wala pang dumarating para sa Maynila.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Matapos mag-rehistro, maari nang pumili ng petsa at saka magpa-reserba. May mensahe kayong matatanggap at iyon ay maari ninyong ipakita pagpunta sa Luneta. Kung hindi rehistrado, maaring i-click ang pula sa ibabaw at pumunta sa ‘reserve.’

Sa ngayon ay mga de-apat na gulong muna ang maaring magpabakuna sa aming drive-thru site dahil ayaw naming maulanan o maarawan lamang ang mga naka-bisikleta o motorsiklo na maaring manganib pa ang buhay kung babaybay sa madulas na kalsada.

Ang mga may-ari ng sasakyan ay maaring magdala ng hindi bakunadong kapamilya o mga kaibigan. Gayunman, dapat ay rehistrado silang lahat at kahit na isa lang ang magpareserba ay puwede na at limitahan lamang sa apat ang laman sa sasakyan.

Aking tinitiyak sa inyong lahat na sa lungsod ng Maynila ay tuloy-tuloyo lamang ang pagbabakuna basta may supply lamang, kahit pa bumagyo o may delubyo, maging weekend man o piyesta opisyal.

Kung ang mga residente ay di inaalintana ang mga baha sa kagustuhang makapagpabakuna at magkaroon ng proteksyon laban sa pagiging severe o critical sa oas na magkaroon ng COVID-19, gayundin naman ang mga miyembro ng vaccinating teams at lahat ng kawani ng lungsod na may kinalaman sa bawat mass vaccination.

May bagyo man o anumang sama ng panahon, ang aming vaccinating teams ay tiyak na nasa site bago ang paguumpisa ng bakunahan ng 6 a.m. at magbabakuna sila ng 14 oras hanggang 8 p.m. o minsan ay lagpas pa.

Dahil diyan ay talaga namang Malaki ang aking pasasalamat sa napakasipag kong partner sa paggogobyerno na si Vice Mayor Honey Lacuna na siya mismong nagbabakuna sa mga ‘bedridden’ o hindi makapunta sa mga bakunahan dahil hindi kakayanin ng katawan batay sa iba’t-ibang dahilan.

Ipinagmamalaki ko ang bawat isa sa kanila at gayundin ang bawat Batang Maynila na nakinig sa aming panawagang magpabakuna na sila.

Sa pamamagitan ng inyong patuloy na suporta ay pakikiisa ay tatalunin natin ang COVID-19 at naniniwala akong magtatagumpay tayong lahat.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.