Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila naabot 3 million mark sa bakunahan

0 51

Buong kagalakan at pagmamalaki kong inihahayag na ang lungsod ng Maynila ay nakamit na ang tatlong milyong record pagdating sa bilang ng bakunang naiturok na sa mga Pilipino, sa ilalim ng aming tuloy-tuloy na mass vaccination program.

Utang natin ito sa mga Batang Maynila na nakinig sa aming paulit-ulit na panawagan upang magpabakuna at makakuha ng dagdag na proteksyon hindi lamang para sa kanila kungdi maging para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Siyempre pa, ang aking taos-pusong pasasalamat at papuri sa mga nasa likod ng ating programa sa pangunguna nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, para sa kanilang walang kapagurang paglilingkod upang makatulong ang lungsod na maabot ng natonal government ang kinakailangang numero para sa tinaguriang ‘population protection’.

Ni minsan ay di sumuko ang aming mga vaccinating teams at technical people habang patuloy nilang binabale-wala ang panganib sa pagganap sa kanilang trabaho.

Mula pa umpisa , lahat sila ay nagta-trabaho nang higit sa takdang oras maging sa holidays at weekends para lamang mapagsilbihan ang mga nangangailangang mabakunahan, lalo pa sa panahon ngayon kung kelan nagdoble at nag-triple pa ang bilang ng mga COVID infections kasunod ng holiday season.

Lubha ding tumaas ang bilang ng mga nagpapabakuna sa lungsod sa pagpapatuloy ng bakunahan sa aming 44 health centers, shopping malls at community sites.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa 3,074,981 vaccine doses ang naiturok ng pamahalaang-lokal ng Maynila at 1,608,793 katao naman ang nabakunahan na.Mula sa nasabing bilang,umabot na sa 1,505,400 ang fully-vaccinated. Nasa 155,030 vaccinees naman ang nakatanggap na ng booster shots.

Sa mga menor de edad, 22,861 na ang nabigyan ng bakuna at 107,354 ang fully vaccinated na.

Sa gitna ng lahat ng ito, nalagpasan na ng lungsod ng Maynila ang target na bilang ng bakunado upang maabot ang kinakailangang ‘population protection.’

SM SuperKidsDay Banner Ad

Batay sa figures ng Comelec, ang eligible populationng lungsod ay 1,065, 149 habang base naman sa Department of Health, ang kailangang numero ay 1,351,487.

Ang Omicron variant ay mabilis na nananalanta sa mga komunidad kaya naman higit pa naming pinaiigting ang aming mass vaccination program, sa kabila ng pagiging agresibo na nito mula pa umpisa.

Malinaw din na muling na-“overwhelm” na ang health frontliners at sa Maynila lamang, maging ang aming mga ospital ay nararamdaman na rin ang bigat ng problemang dala ng virus.

Marami sa aming hospital staff ang na-infect na at ang mga naiwan para ituloy ang trabaho ng mga tinamaan ng virus ay patuloy na nagpapakita ng dedikasyon sa trabaho sa kabila ng hirap at panganib na kinakaharap. Hindi nag-iisa ang Maynila sa ganitong uri ng sitwasyon dahil ganito rin ang dinaranas ng maraming lungsod sa ngayon.

Sa ating mga health frontliners, mga ‘modern-day heroes’, saludo ako sa kanila. Ang maliit na puwede nating iganti sa kanila ay ang tiyakin na tayo ay magpapabakuna.

Sa ganitong paraan, ang posibilidad ng pagkalat ng virus ay mababawasan at ang ating mga health personnel ay makapagpapahinga kahit paano mula sa pagiging ‘overworked’ mula pa umpisa.

Sama-sama tayong magsikap na talunin ang COVID-19. Salamat mga Batang Maynila para sa inyong patuloy na kooperasyon at suporta sa #VaccineNation campaign ng lungsod.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.