Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila nakapagbakuna na ng 1M katao

0 103

Bago ang lahat, nais kong hilingin sa inyo, mga giliw naming mambabasa, na sana ay isama ninyo sa pangalangin si Vice Mayor Honey Lacuna para sa kanyang agarang paggaling.

Alam na ninyo marahil na siya ay nagkaroon ng COVID nuong nakaraang linggo. Nakalulungkot na siya ay naimpeksyon habang ginagampanan nang lagpas sa dapat ang kanyang mga tungkulin bilang vice mayor at presiding officer ng 38-member Manila City Council.

Bilang doktora, siya ay aking ipinamahala sa health sector at mass vaccination program ng lungsod at higit pa sa inaasahan ang kanyang ginagawa.

Sa katunayan, siya mismo ang nagbabakuna sa mga residente hindi lamang sa aming vaccination sites kungdi maging sa City Hall at ang pinakamatindi ay ang pagbabakuna niya sa mga “bedridden and physically-challenged” na hindi kayang makapunta sa vaccinaton sites. Nagbabahay-bahay si Vice Mayor Honey upang magbakuna at ang mga ginagawa niyang ito ang dahilan upang siya ay mahawaan .

Dalangin ko na gumaling siya kaagad dahil talagang kailangan ko siya at ang kanyang expertise at dedikasyon. Siya ay palagiang nasa aking tabi sa loob ng isa’t kalahating taon ng pandemya at bilang katrabaho ay talaga namang wala na akong mahihiling pa.

Gaya niya, pinapupurihan ko din ang aming mga health frontliners, doctors, nurses, volunteers at barangay authorities na ang sama-samang pagkilos ay nagbunga din ng tagumpay upang maabot ng lungsod ang higit sa isang milyon na nabakunahan ng first dose sa Maynila.

Hanggang alas-5 ng hapon noong Agosto 12 lamang, ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa Maynila ay umabot na ng 1,007, 711. Mula diyan, 667,440 ang fully vaccinated na at 1,636, 354 naman ang bilang ng doses na naibakuna na.

Ang ‘eligible population’ ng Maynila, o ‘yung mga edad 18 hanggang 100, ay nasa 1,065,149 lahat. Ito ang mga pinapayagang mabakunahan.

Base dito, masasabing nalagpasan pa ng lungsod ang 80 percent population. Kung kasama ang mga may edad 17 pababa, ang buong populasyon ng Maynila ay humigit-kumulang sa 1.9 million.

Hindi abot sa target percentage kung isasama ang mga menor de edad dahil sila ay hindi pa pinapayagang mabakunahan batay sa atas ng Department of Health (DOH).

Ang accomplishment ng lungsod ay bunga ng episyenteng mass vaccination program na aming inilunsad, na nagmula sa 18 paaralan at apat na shopping malls, hanggang sa pinalawig ito sa 14 oras na bakunaha.

Kelan lamang ay inilunsad din natin ang drive-thru vaccination kasama na ang pagbabakuna sa gabi at ang pinakahuli ay ang 24/7 mass vaccination.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Mahirap man kapwa sa panig ng mga vaccinating teams at sa mga residente din, kami ay naniniwala na dapat ang bakunahan ay mas mabilis sa impeksyon.

Nitong Agosto 12, ang aming Sta. Ana Hospital ay napuno na habang ang aming 344-bed Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) sa Luneta ay nakapagrehistro naman ng 94 percent occupancy rate, samantalang ang iba pang ospital ng lungsod ay meron namang 45 percent occupancy rate.

Labis akong nagpapasalamat sa Diyos na nakapagplano at natapos ng pamahalaang-lungsod ang MCFH bago pa mang dumating ang Delta variant sa bansa at bago tumaas na muli ang COVID cases sa maraming bahagi ng Pilipinas.

Hindi ko ma- imagine kung paano ang sitwasyon sa Maynila kung wala kaming MCFH na ngayon ay halos ubos na ang 344 kama sa loob nito. Batay sa data ng mga hospital directors, 65 percent ng COVID patients nila ay walang bakuna.

Ito ang dahilan kung bakit aktibo ang pangangampanya namin ni Vice Mayor Honey na magpabakuna ang mga residente. Bagamat walang immunity na dulot, ang bakuna ang tanging pag-asa na tayo ay magkaroon ng karagdagang proteksyon para kung maimpeksyon man, ang bakunado ay hindi mapupunta sa kritikal na kondisyon.

Nakatutuwa din na bagamat ang ipinatutupad natin sa bakunahan ngayon ay ‘strict scheduling’ dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), nakapagtala pa din ang vaccinating teams ng mataas na bilang ng nababakunahan sa araw-araw.

Gaya ng naipangako ko, ang mass vaccination sa Maynila ay magiging mabilis, maayos at episyente. Pag may dumating na bakuna, agad itong ibibigay. Tuloy-tuloy ang bakunahan sa araw at gabi, umulan man o umaraw, holiday man o weekend.

Sa naabot ng lungsod na mahigit isang milyong kataong nabakunahan na, talagang ipinagmamalaki ko ang aming vaccinating teams at maging mga taga-Maynila dahil sa kanilang kooperasyon upang maabot ng bansa ang pinapangarap na herd immunity.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.