Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila nanguna sa NCR 94 percent completion ng anti-tigdas campaign

0 71

Ako ay malugod na nagpapasalamat at talaga namang proud na proud sa aming health personnel na pinamumunuan ng walang pagod na si Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks Pangan, dahil nasa 94 percent nang kumpleto ang kampanya ng lungsod laban sa tigdas sa pamamagitan ng pagbakuna sa mga Batang Maynila.

Sa pagsisikap at sipag ng aming MHD personnel ay nangunguna ngayon ang lungsod sa National Capital Region pagdating sa kampanya laban sa tigdas, matapos na makapagbakuna ng mahigit 127,000 bata sa loob lamang ng sampung araw.

Mula nang aming ilunsad ang Manila Vaccination and Immunization app sa pamamagitan ng https://manilacovid19vaccine.com bago ang bisperas ng Bagong Taon, humigit-kumulang na pala sa 89,000 katao ang nagpakita ng interes na mabakunahan, sa pamamagitan ng pagrerehistro sa COVID-19 vaccination program ng lungsod.

Nabanggit din sa inyong lingkod ng aming masipag na Manila Health Department chief na si Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, na siyang ‘in charge’ sa paggawa ng masterlist ng priority groups sa pamamagitan ng registration kapag dumating na ang bakuna sa lungsod, na ang target na mabakunahan ay 676,461 indibidwal.

Ako ay lubhang nagpapasalamat sa pagkakaroon ng magaling na opisyal para pamunuan ang MHD ngayong pandemya, gaya ng pasasalamat ko din sa mga taga-Maynila sa pagbibigay sa akin ng katuwang sa serbisyo sa katauhan ni Vice Mayor Honey Lacuna, na ang kasanayan bilang doktora ay nakatulong nang malaki sa pagbalangkas namin ng mga polisiya para sa epektibong paglaban sa COVID-19.

Lagi, napakalaki ng partisipasyon ni Vice Mayor Honey sa kinakaharap nating pandemya at lubha akong mapalad at nagpapasalamat sa mga Batang Maynila sa pagbibigay sa akin ng partner na bilang doktora ay nagagabayan ang punong ehekutibo para kundi man masugpo ay mapanatiling mababa ang impeksyon ng COVID sa lungsod.

Ukol sa nasabing masterlist, nabanggit din ni Dr. Pangan na mula sa kabuuang bilang ay nasa 13,552 ang frontline health workers sa Maynila na kinabibilangan ng mga kawani ng MHD central office sa Manila City Hall at sa anim na ospital ng lungsod gayundin mula sa private hospitals at private clinics sa Maynila.

Mayroon ding 157,679 senior citizens mula sa 896 barangays isa Maynila; 500,351 indigents —9,878 persons with disabilities (PWDs) at 490,473 indigents na inilista ni Manila Social Welfare and Development (MSWD) chief Re Fugoso.

Mayroon din ang lungsod ng 4,100 “uniformed personnel” mula sa Manila Police District (MPD) ; Bureau of Fire Protection (BFP), 440 at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), 339.

Gaya ng palagian kong binabanggit, ako at si Vice Mayor Honey ay nakapagtalaga na ng 18 vaccination sites na matatagpuan sa mga public schools at may tig-tatlong team bawat lugar sa anim na distrito ng Manila.

Kami sa pamahalaang-lungsod ng Maynila ay umaasang makapag-bakuna ng 1,000 katao kada vaccination site o arawaing target na 18,000 sa buong lungsod. Ito ay mangangahulugan ng kabuuang 126,000 sa loob ng pitong araw o mahigit 500,000 sa loob ng isang buwan.

Bawat site ay may itatalagang vaccination team na bubuuin ng 25 personnel. Ito ay ang mga sumusunod: isang supervisor at tatlong physicians na magsasagawa ng screening at medical emergency kung kinakailangan; apat na nurses bilang vaccinators at bahala sa surveillance; tatlong dentista na magsisilbi bilang counselors at encoders; isang midewife na magsasagawa ng monitoring; isang HEPO (Health Education and Promotion Officer); limang Barangay Health Workers (BHWs) na magsisilbi bilang vaccinators at encoders at gagawa ng surveillance; isang logistics officer para sa vaccine delivery at retrieval at anim na support staff (security, crowd control, driver, sanitation at maintenance).

Kaugnay sa daloy ng delivery ng COVID-19 vaccines mula sa Department of Health (DOH) o Vaccine Supplier, ang mga ito ay ide-delivered ng MHD vehicles sa Sta. Ana Hospital Manila COVID-19 Vaccine Storage Facility. Mula sa facility, ang mga bakuna ay dadalhin naman sa 18 vaccination sites kapag kailangan na.

Muli, nais kong manawagan sa mga taga-Maynila na magpa-rehistro para sa libreng bakuna. Hindi naman mangangahulugan na di na maaring magbago ang isip ninyo.

Gayunman, habang nirerespeto ko ang takot at duda ng iba, kailangan nating maging praktikal. Naniniwala ako na higit na marami ang benepisyong dulot ng pagpapa-bakuna kaysa sa masamang epekto nito.

Marahil maganda ring itanong natin sa sarili natin kung ano ba ang mas mahalaga, proteksyon o habambuhay na pangamba?

Konting panahon na lamang ay narito na ang bakuna sa bansa. Di man ito nagbibigay ng garantiya na tayo ay magiging ‘immune’ na sa COVID-19, kahit paano ay magkakaroon naman tayo ng panlaban upang kapag naimpeksyon ay hindi na tayo mapapasama pa sa bilang ng mga malalang kaso o ‘severe cases.’

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.