Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila nawalan ng bayaning doktor dahil sa COVID-19

0 702

Lubhang malungkot ang nagdaang linggo para sa lungsod ng Maynila, mga mamamayan nito at higit lalo na, sa akin mismo.

Una sa lahat, tatlong opisyal ng pamahalaang-lokal ang tinamaan ng COVID-19 sa pagtatapos ng linggo noong nakaraang weekend.

Ito ay mga opisyal na may mga mahahalagang papel na ginagampanan habang patuloy na nilalabanan ng pamahalaang-lungsod ang pandemya at binubuno ang mga problemang dulot ng naturang health crisis.

Bukod sa kanilang tatlo, may mangilan-ngilan din kaming mga tauhan na nagpositibo din sa coronavirus. Gaya ng mga nabanggit kong opisyal, ang mga tauhang naapektuhan ay pawang nasa ‘frontline’ din ng ating pakikibaka para malabanan ang nakamamatay na virus.

Hindi naiwasan na kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay parehong na-expose sa mga naturang opisyal dahil kasama, kausap at katrabaho namin sila sa araw-araw na trabaho.

Sa kabutihang-palad, bagay na aking lubos na ipinagpapasalamat sa Diyos, pareho kaming nag- negative matapos dumaan sa swab testing, gayundin ang iba pang mga opisyal ng lungsod na nagkaroon din ng ‘’contact’ o na-expose sa tatlong positibo sa COVID.

Ilang araw lamang matapos nito, dumating naman ang balita na isang metro mayor ang nag-positibo din sa coronavirus.

Ang nasabing mayor ay nagkataong isang malapit na kaibigan, na hindi sana nakakuha ng virus kung pinili niyang manatili na lamang sa loob ng kanyang airconditioned na opisina sa halip na patuloy na mag-ikot araw at gabi, para lang tiyakin na tuloy-tuloy ang serbisyo ng kanyang gobyerno at lahat ng problemang dala ng pandemya ay patuloy ding natutugunan nang mabilis at maayos.

Natitiyak ko na para sa aking kaibigang alkalde na ito, sulit ang kanyang sakripisyo at dahil diyan, nararapat lamang na siya ay saluduhan.

Ang pinakamalungkot na balita ay dumating nang bawian ng buhay si Dr. Reino “Nong” Palacpac, isang doktor na naglilingkod sa loob ng maraming taon sa sa isa sa aming mga pampublikong ospital na pinatatakbo ng Maynila.

Si Dr. Nong ay kabalikat ng pamahalaang-lokal bilang isa sa mga medical frontliners na aktibo sa paglaban sa pandemya na aming inilunsad laban sa COVID-19, hanggang sa pati siya ay tamaan nito, sa kasamaang-palad.

Si Dr. Nong ay nakatalaga sa Justice Jose Abad Santos General Hospital. Siya ay binawian ng buhay noong Hulyo 7 at wala kaming mahagilap na tamang salita upang ilarawan ang naiwan niyang ‘vacuum’ at kung paano mapapagaan sa anumang paraan ang kanyang mga mahal sa buhay. Siya ay 50 taong gulang lamang.

Gaya ng lahat ng ospital, ang JASGH ay naging abala dahil sa tila biglang paglobo ng mga pasyente sa pag-alis ng enhanced community quarantine at habang unti-unting binubuksan ng bansa ang ekonomiya.

Si Dr. Nong ay kasama sa mga buong-tapang na hinarap ang pagdami ng mga pasyente, na hindi iniinda ang mga panganib na dala nito at ang posibilidad na maging siya ay maaring makakuha ng impeksyon, habang nalalantad sa parehong uri ng panganib ang kanyang mga mahal sa buhay. Isa siyang tunay na ‘professional and a man for others.’

Ang kanyang dedikasyon sa sinumpaang tungkulin Ang kanyang dedikasyon sa sinumpaang tungkulin at pakikitungo sa mga kasamahan ay ganun na lamang, kung kaya’t damang-dama ng kanyang mga katrabaho ang kanyang pagkawala. Gayuman, nagsisilbi naman siyang inspirasyon upang ituloy nila ang kanyang naumpisahan at higit pang pagbutihin ang kanilang pagganap sa tungkulin dahil alam nilang ito ang gusto ni Dr. Nong.

Si Dr. Nong ang unang medical frontliner na kinuha sa amin ng COVID-19. Bago niyan, isang babaeng doktor naman ang binawian din ng buhay pero ito ay nang banggain siya ng isang reckless truck driver habang siya ay papunta sa duty at sakay ng bisikleta.

Siya ay isang ‘pioneer’ sa ospital na kanyang pinagsilbihan at kung saan siya ay tinamaan ng virus at pumanaw. Nabanggit ni Dr. Merle Sacdalan, director ng JASGH, na habang naggagamot ay iniisip na ni Dr. Nong ang agad na pagbalik sa duty sa oras na gumaling na siya, dahil alam niya kung gaano kaimportante ang papel ng mga doktor sa mga arawa na ito. Sa kasamaang-palad, hindi ito natupad.

Ako, sampu ng lahat ng opisyal at kawani ng Manila City Hall at mga mamamayan ng Maynila, ay nagpaparating ng buong-pusong pasasalamat at paghanga kay Dr. Nong, sa ipinakita niyang lubos na dedikasyon at ‘selfless service’ sa kanyang mga kababayan. Inialay nila ang sarili niyang buhay upang makapagsilbi sa iba. Tunay na dapat pamarisan si Dr. Nong ng lahat ng nasa serbisyo publiko.

Hiling ko sa lahat ng taga-Maynila na samahan ako sa pag-aalay ng pagdamay at dasal sa mga naiwan ni Dr. Nong na mahal sa buhay at gawin ang inyong papel sa paglaban sa COVID-19 sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa basic health protocols gaya ng pagsusuot ng facemasks, madalas na paghuhugas ng kamay at soial distancing. Sa ganitong paraan, mababawasan ang posibilidad na ang ating mga medical frontliners na gaya ni Dr. Nong ay malantad sa nakamamatay na virus.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.