Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynila vaccine rollout tagumpay kahit naalarma sa pagtaas ng COVID case

0 158

Magkahalong mabuti at masamang balita ang naganap sa Maynila nitong nakalipas na linggo.

Una, ang mabuting balita. Pinangunahan ng Maynila ang pormal na vaccination rollout ng unang batch ng anti-COVID-19 vaccines na dumating sa bansa. Ginanap ito sa Philippine General Hospital kung saan mismong si PGH Director Gerardo ‘Gap’ Legaspi ang unang nagpabakuna ng Coronavac na gawa ng Sinovac Biotech ng China.

Bandang hapon ay mapalad naman ang Maynila na tumanggap ng 3,000 CoronaVac vaccines mula sa national government at dahil diyan ay lubos ang ating pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte, National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon, vaccine czar Carlito Galvez, Jr., Department of Health Secretary Francisco Duque III at sa DOH family.

Ako naman ay natutuwa na ang aking ‘ever-supportive’ Vice Mayor na si Honey Lacuna, na isa ring doktora, ay kabilang sa mga nabakunahan sa Sta. Ana Hospital kung saan namin tinanggap ang mga bakuna at agad na inilagak sa aming storage facility.

Sina Manila Health Department head Dr. Poks Pangan at Sta. Ana Hosptial Director Dr. Grace Padilla, gayundin ang hepe ng aming Manila Infectious Disease Control Center na si Dr. Nerissa Sescon, ay nabakunahan din at pinangunahan ang aktibidad upang makahimok ng maraming medical frontliners na kumuha din ng bakuna at alisin ang duda.

Bagama’t gustong-gusto ko na din magpabakuna ay sumusunod tayo sa alituntunin na kaagapay ng mga bakunang donasyon na nagsasabing dapat na unahin ang health frontliners.

Habang isinusulat ito, lahat ng donasyong bakuna mula sa national government ay naipamahagi na sa mga health frontliners sa loob lamang ng apat na araw at dahil diyan ay aking pinasasalamatan at pinupuri ang mga MHD personnel na nagsagawa ng vaccination program nang matagumpay at walang aberya. Nabakunahan din natin ang mga health frontliners na mula sa mga pribadong ospital at klinika bukod pa sa ating sariling mga ospital.

Talagang nakatulong ang mga ginawa nating maraming simulation exercises ng vaccination program at buong pagmamalaki kong masasabi na natapos ng lungsod ang buong vaccination processes nang matiwasay, liban lamang sa isang vial na natagpuang basag nang buksan ang kahon na kinalalagyan nito.

Wala ding naiulat na masamang epekto kaninuman sa mga unang tumanggap ng bakuna.

Ngayon naman ang bad news. Ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod ay talaga namang nakaka-alarma.. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng maraming nakalipas na buwan na umabot sa 196 ang positive cases sa loob lamang ng isang araw nitong March 4.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nakababahala din na ang occupancy rate ng ating anim na city-run hospitals ay nasa 36 percent. Mula sa 300-bed capacity, ang okupado ay umabot ng 108.

Sa mga quarantine facilities naman natin, ang occupancy rate ay nasa pinakamataas na 61 percent. Mula sa 371 bed capacity, ang bilang ng pasyente ay nasa 225.

Ang record-high na 196 cases sa loob lamang ng isang araw ay kinumpirma ng ating sariling RT-PCR testing na patuloy naming ibinibigay nang libre.

Ang biglang pagtaas ng kaso ng impeksyon ng COVID-19 para sa akin, ay lubhang nakababahala, hindi lamang para sa aming nasa pamahalaang-lokal kungdi maging sa mga mamamayan ng lungsod, bagamat ito ay nagaganap sa buong bansa sa ngayon.

Dapat itong ipangamba, di lamang ng pamahalaang-lungsod kungdi ng tao. Sama-sama tayo mga kababayan. Hindi mapagtatagumpayan ng pamahalaang ang laban sa pandemya nang di kasali ang mamamayan na nagkukusang disiplina.

Sa mga Batang Maynila, hinding-hindi ako magsasagawang ipaalala na huwag kayong magre-relax at patuloy ninyong sundin ang mga basic health protocols —magsuot ng facemasks, maghugas ng kamay at magdistansiya— sa lahat ng oras.

Hinihimok ko din ang mga residente ng lungsod na kunin ang oportunidad na makapag-pabakuna kung dumating ang pagkakataon. Kung walang bakuna, tayo ay one hundred percent na bukas sa posibilidad na maimpeksyon at mamatay samantalang pag bakunado, may panlaban ang ating katawan upang maimpeksyon man ay di tayo mapupunta sa pagiging malubha at kamatayan, dahil sa proteksyong ibinibigay ng bakuna.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

For updates on latest developments in the city of Manila, please visit my Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.