Abante Tonite Interactive

Maynilad, Manila Water imbestigahan — MWSS

282

Iniimbestigahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System kung bakit pinatupad ng Maynilad at Manila Water ang rotational water interruption nang maaga kaysa sa inanunsyo nila sa publiko.

Ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty, binaha sila ng reklamo mula sa nawalan ng tubig kahit walang abiso sa dalawan­g water concessionaire.

Sinabi ni Ty na aalamin nila kung dapat patawan ng multa ang dala­wang concessionaire dahil sa nangyari.

Umusok naman ang social media sa dami ng nagrereklamo. “Our brgy is not included on the list with water interruption, then why is it that we do not have water at Brgy 361?,” ayon sa isang Arlene A. Alonzo ng Maynila.

“Barangay 443 nawalan din. Walang kwentang advisory yan. Paki ayos naman serbisyo niyo,” reklamo naman ng isang Kent.

Nag-post ng advisory ang Manila Water na mawawalan ng tubig sa mga piling lugar noong Martes ng alas-otso nang gabi, pero marami ang nagreklamo na alas-singko pa lamang nang hapon ay wala nang tumutulo sa kanilang gripo.

Pinagbigay-alam naman ng Maynilad na mawawalan ng tubig ng Miyerkoles subalit sa Parañaque at ibang lugar ay wala nang tubig Martes pa lamang nang gabi.

Paliwanag naman ni Manila Water spokesperson Jeric Sevilla Jr., nagahol sila sa oras sa paglalabas ng abiso dahil sa isi­nagawa nilang technical working group at press briefing nitong Martes.

“As it was announced the implementation was already being done that let us a little bit of time to analyze kung ano iyong magiging impact sa aming distribution system,” rason naman ni Maynilad Corporate Communications head Jennifer Rufino.