Abante Tonite Interactive

Maynilad-MVP buking sa ‘dinayang’ bill

336

Inireklamo ng isang kostumer sa Las Piñas ng pandadaya sa billing ng nakonsumong tubig nito ang Maynilad Water Services Inc. ni Manuel V. Pangilinan at ng DMCI ng mga Consunji.

Ayon sa isang residente ng Barangay Almanza Dos, dinagdagan ng 9 cubic meters ang sinisingil ng Maynilad sa kanyang billing ngayong buwan.
Posible umanong nagdagdag ng P130.59 hanggang P184.91 sa kanyang babayaran ngayong Hulyo.

Ipinakita ng netizen na si Noel Lacsamana, ang kanyang bill na may petsang Hulyo 13, 2019 at nakalagay dito ang meter reading mula Hunyo 13, 2019 hanggang Hulyo 13, 2019 ng dumaan ang tao ng Maynilad para basahin ang kanyang metro at ibigay ang bill nito.

Abante Hiring – IT dep

Sa bill ng Maynilad, nasa 849 ang reading ng metro noong Hulyo 13 at nasa 822 ito noong Hunyo 13 nang hu­ling tingnan ng Maynilad.

Naisipan niyang silipin ang kanyang metro noong gabi ng parehong araw nang dumaan ang tao ng Maynilad. Pagsilip niya sa metro, 840 lamang ang readin­g ng kanyang bill at hindi 849. Noon lang umano siya napaisip kung gaano na ito katagal ginagawa ng Maynilad.

Tinanong ng Abante ang Maynilad tungkol sa pangyayari at kung magkano ang porsiyentong ibinibigay nila sa mga tao nilang nagbabasa ng bill ng mga kostumer ngunit hindi nagbigay ng pahayag si Maynilad Public Affairs head Jennifer Rufo.

Isa lamang ito sa atraso ng Maynilad sa Barangay. Noong nakaraang taon, sinisingil pa ng Maynilad ang mga residente para sa pagpapasipsip ng poso negro ng hiwalay sa kanilang bill kahit na ito ay iyong 20% environmental charge na binabayaran ng mga kostumer nito kada buwan. (Eileen Mencias)