Abante Tonite Interactive

Maynilad-MVP nagpabida, napahiya!

Hindi nag-abiso ng water interruption

By
371

Kakayabang lang ni Manny V. ­Pangilinan na walang water shortage sa service area ng kanyang Maynilad Water Services Inc. noong Biyernes ay nawalan naman ng tubig sa mga lugar na siniserbisyuhan nito nang walang paunang abiso.

“There is no water shortage in our Maynilad West Zone,” tweet ni ­Pangilinan noong Biyernes.

Noong Sabado, nag-anunsiyo ­naman ang Maynilad ng emergency water interruption advisory sa Cavite City, Noveleta, Rosario, at Imus, Cavite na tumagal hanggang kahapon.

Kahapon naman, nag-anunsiyo ang Maynilad ng isa pang kagaya ng naturang advisory at mawawalan ng tubig sa ilang lugar sa Las Piñas at Muntinlupa hanggang ala-6:00 ng hapon kahapon.

Pagkatapos ng ilang minuto, sinabing aabot ng 1:00 AM ng Lunes walang tubig sa ilang lugar sa Las ­Piñas, Muntinlupa at Bacoor.

Ayon sa emergency advisory, nawalan ng tubig sa Las Piñas, Muntinlupa, at Bacoor dahil hindi raw normal ang operation ng Putatan Treatment Plant nito. Para naman sa mga nasa ibang parte ng Cavite province, ang ginamit na dahilan ay mataas daw ang demand sa lugar na pinagdadalhan ng tubig ng Patindig Araw Pumping Station at Noveleta Pumping Station nito.

Hirit ng netizen na si Paul Caballes sa Maynilad FB page, “HOY!..BIGLA NA LANG KAMING NAWALAN NG TUBIG WALA MAN LANG KAYONG ABISO!”

Walang advisory ang Maynilad ng water interruption sa Parañaque kaya naman nagtanong ng netizen na si Princess Dianne De Manuel kung bakit walang tubig sa kanila.

Dagdag pa ng netizen na si Hoovert Brian Fortunado Banaira, “Sus. Kanina pang walang natulo, ­ngangayon nag-announce.”