Abante Tonite Interactive

Maynilad-MVP walang puso, nakisabay sa pagtaas ng presyo ng bilihin

By
0 172

Umalma ang isang militanteng kongresista sa dagdag singil ng Maynilad dahil itinaon pa ito kung saan nalulunod na ang mara­ming Pilipino sa mataas na presyo ng bilihin.

Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, sumasabay pa ang Maynilad sa hagupit ng taas-presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin gayundin sa maaa­ring maging epekto ng paparating na bagyo.

“Lalong lulunurin ng dagdag-bayarin sa tubig ang mga kababaihan at Pilipino na hindi na nga makaagapay sa pagtataas ng presyo ng pagkain at petrolyo,” komento ni Brosas.

Kung tutuusin aniya ay walang makatwirang batayan ang rate rebasing at foreign currency adjustment dahil tinitiyak lang nito ang tubo ng mga priba­dong negosyo sa likod ng Maynilad.

“Pinatunayan din sa ilang pagsisiyasat na ikinakarga ng concessionaires ng MWSS ang kanilang buwis, gastos sa mga proyekto at maging operating expen­ses sa rate rebasing na pinapasan ng ordinar­yong Pilipino,” paliwa­nag ng lady solon.

Inaprobahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang petisyon ng Maynilad para sa P5.73 kada cubic meter na pagtaas na bibiyakin sa loob ng limang taon para sa rate rebasing at P0.11 para sa foreign currency differential adjustment (FCDA) simula Oktubre.

Nangangahulugan ito na magbabayad ng dagdag na P7.84 ang mga pamilyang kumokonsumo ng 10 hanggang 20 cubic meters kada buwan.

Papatungan naman ng karagdagang P16.36 ang mga kumokonsumo ng 20 hanggang 30 cubic meters kada buwan.

Bunsod nito, mu­ling iginiit ng Gabriela sa liderato ng Kamara na atupagin na ang pagdinig sa House Resolution 1363 na pumupuntiryang imbestigahan ang concession agreement ng MWSS sa Maynilad at Manila Water na ugat ng dagdag singil sa tubig at pribatisasyon ng serbisyo sa tubig.

Ang Maynilad ay pag-aari ng binatang negosyanteng si Manny V. Pangilinan habang ang Manila Water ay hawak naman ng mga Ayala.