Abante Tonite Interactive

Maynilad, MWC prangkisa iipitin

Mga kongresista gigil sa perwisyo sa mga consumer

119

Iminungkahi ng isang mamba­batas na ipitin ang prangkisa ng Maynilad Water Services Inc. (MWSI) at Manila Water Company (MWC) dahil na rin sa kabi­guan ng dalawang kompanya na ilatag ang mga wastewater treatment facility sa kanilang mga sineserbisyuhang lugar.

Ayon kay Marikina City Rep. Bayani Fernando, huwag bigyan ng prangkisa ang dalawang MWSI at MWC hanggang walang inilalatag na wastewater treatment facility ang mga ito.

Kaugnay nito, nagkaisa ang mga miyembro ng House committee on Metro Manila develop­ment na isalang sa puspusang pagrebisa ang kontrata ng dalawang kompanya.

Pinanggigilan ng mga kongresista ang dalawang water concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil pasimuno umano ang mga ito sa pambababoy sa Manila Bay.

Ang naturang komite ay pinamumunuan ni Quezon City Rep. Winston Castelo at mga miyembro nito sina Angkla Party-list Rep. Jesulito Manalo, Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera Dy at Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Pinanggigilan ng mga kongresista ang dalawang water concessionaire dahil pasimuno umano ang mga ito ng kadugyutan sa Manila Bay.

Ayon kay Senior Deputy Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, patuloy na nabababoy ang Manila Bay dahil hindi tinutupad ng MWSI at MWC ang kanilang obligasyon na magtagayo ng mga wastewater treatment facility.

Ipinaliwanag ni Atienza na mahalaga ang waste-water treatment facility dahil ito ang maglilinis sa maduming tubig na ­galing sa dalawang milyong kabaha­yan at establisimyento bago pa­kawalan at padaluyin muli sa Manila Bay.

“Their contract with the Philippine Government states that they should not only be providing water service to consumers, but ­sewage treatment as well. They have failed to do this,” giit ni Atienza.

Batay naman sa mga kinatawan ng MWSI at MWC, halos 20% pa lamang ang kanilang nagagawa sa kasalukuyan at tinatayang aabutin pa ng 2037 bago ganap na makumpleto ang mga wastewater treatment facility.

Lalo tuloy naimbiyerna si Atienza sa hirit ng dalawang kompanya at binigyang-diin nito na 21 taon nang sinisingil ang mga konsyumer at nangutang pa ang MWSI at MWC gamit ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng sovereign guarantee.

“Maawa naman kayo sa mga tao. Huwag n’yo pinaglololoko ang mga tao. Huwag n’yong lokohin si Presidente (Rodrigo) Duterte na nalinis na ang Manila Bay,” ani Atienza.