Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Maynilad sinita ng MWSS sa kapalpakan

0 138

Hiningan ng paliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Maynilad Water Services Inc. kung bakit hindi nito binigyan ng sapat na abiso ang mahigit isang milyong kustomer nila na nawalan ng tubig at makapaghanda sana bago manalasa ang bagyong `Ulysses’ sa bansa.

Ang Maynilad ay pag-aari ng mga Consunji at ni Manny V. Pangilinan.

Sabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, nag-isyu na ang Regulatory Office ng Notice to Explain sa Maynilad noong Nobyembre 16 dahil hindi ito agad nag-abiso sa kanilang mga kustomer na mag-imbak ng tubig sakaling maapektuhan ng bagyo ang serbisyo nito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sabi ni Ty, Nobyembre 12 lamang nagbigay ng advisory ang Maynilad tungkol sa rotational service interruption dahil sa kumonti ang tubig sa La Mesa treatment plant sapagkat madumi ang tubig na nakukuha nito galing sa Ipo Dam.

Inutusan din ng MWSS Regulatory Office ang Maynilad na siguruhing hindi lalampas sa 24 oras na mawawalan ng serbisyo ang mga kustomer nito sa isang lugar.

Nabatid na muling inisyuhan ng Notice to Explain ang Maynilad noong Nobyembre 20 dahil binabaha na ng reklamo ang Regulatory Office mula sa mga kustomer tungkol sa maruming tubig na lumalabas sa gripo nila at hindi rin umano nito sinusunod ang inaanunsiyong schedule ng water service interruption. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.