Abante Tonite Interactive

Mayor Baldo nilalag ng Lakas-CMD

294

Binawi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang suporta at ipinalabas nitong Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo matapos siyang tukuyin ng Philippine National Police (PNP) bilang utak sa pagpaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at security aide nito tatlong araw bago sumapit ang Pasko noong nakaraang taon.

Ang Lakas-CMD ay isang ma­laking partido politikal na kaal­yado ng administrasyong Duterte at dahil sa ginawa nitong pagbawi ng suporta, nanga­ngahulugan na hindi na si Baldo ang magiging opisyal na kandidato ng kanilang lapian sa pagka-­alkalde ng Daraga.

Ayon kay Lakas-CMD executive director Bautista Corpin Jr., pormal na rin nilang ipinaalam kay Commission on Elections (Comelec) law department director Maria Norina T. Casingal ang desisyon ng kanilang partido para tuluyang mabasura ang in­isyu nilang CONA kay Baldo.

Bagama’t walang direktang pag-amin, sinasabing nabahiran umano ang tiwala ng partido kay Baldo nang tukuyin siya mismo ni PNP chief Director General Oscar Albayalde bilang mastermind sa pagkakapatay kay Bato­cabe at security aide niyang si SPO1 Orlando Diaz matapos manggaling sa isang gift-giving acti­vity para sa mga senior citizen sa Brgy. Burgos sa Daraga, Albay noong Disyembre 22.