Abante Tonite Interactive

Mayor Binay pinarangalan ni NCRPO chief Eleazar, BFP

760

Dalawang award mula sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Bureau of Fire Protection ang tinanggap ni Makati City Mayor Abby Binay bilang pagkilala sa kanyang suporta sa mga kagawad ng pulisya at pamatay-sunog.

Iginawad ni NCRPO acting director Guillermo­ Eleazar ang 2018 Outstanding Local Chief Executive Award kay Binay dahil sa kanyang katangi-tanging pagsuporta sa pulisya, partikular sa Makati City Police sa pagdiriwang ng 23rd Police Community Relations (PCR) Month sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Kamakailan lang, 26 na bagong patrol car ang nai-turn-over ni Binay sa Makati City Police na kinabibilangan ng 18 unit ng Mitsubishi Strada at walong unit ng Toyota Avanza. Nagbigay din ang pamahalaang-lungsod sa pulisya ng isang mobile command vehicle at dalawang rescue boat.

Samantala, pinarangalan din ng BFP si Binay ng Medalya ng Pambihirang Paglilingkod-Degree of Lakan Award bilang pasasalamat sa kanyang suporta sa operasyon ng ahensiya.

Kabilang sa ipinagkaloob ng pamahalaang-lokal ng Makati sa BFP ang mobile command vehicle, chemical fire truck, dalawang rescue boat, 10 set ng mobile fire suppression gear na kinabibilangan ng mga motorsiklo, protective helmet at portable foam compressor at dalawa pang extra na foam compressor.