Abante Tonite Interactive

Mayor Erap pinakilos ang mga opisyal ng barangay sa bagyong Ompong

0 401

Inatasan na ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga barangay official at mga frontline service office ng lungsod na maging alerto sa pagpasok ng super bagyong Ompong.

Pinakilos na rin ni Mayor Erap ang city disaster management office na maglatag ng mga plano para sa relief operation at posibleng paglikas ng mga residenteng nasa peligrosong lugar.

Binigyan-diin ng alkalde na hangga’t maaari ay wala sa agenda ng lungsod ang “rescue” dahil mas mabu­ting walang Manileño ang malalagay sa mapanganib na sitwasyon.

“Gusto natin na ang lahat ay nasa ligtas na lugar kapag dumarating ang kalamidad, para hindi tayo magkukumahog sa pagsagip, dapat mas maagap tayo, bago pa ang unos, ligtas na ang lahat ng Manileño,” sabi pa ni Mayor Erap.

Sa kanyang direktiba sa city social welfare, health at disaster ma­nagement, inatasan niya ang mga ito na maghanda na rin ng pagkain at mga gamot para sa mga evacuation building na ipinatayo ng lokal na pamahalaan.

Nauna nang kinumpirma ng Pagasa ang super typhoon Ompong ay may lakas na mahigit 200kph na ang sentro ay sa Northern provinces, Batanes at Central Luzon.

Sinabi rin ng Pagasa na posibleng manalasa sa Metro Manila ang bagyo mula Biyernes, Setyembre 13 hanggang Sabado, Setyembre14.

Pinakilos na rin ni Mayor Erap ang mga barangay official upang ­paalalahanan ang mga residente sa kanilang nasasakupan para matiyak ang zero casualty sa lungsod kahit may ­kalamidad.

Kaugnay nito, umaasa pa rin si ­Mayor Erap na ipapasa na ng City ­Council ang Amendatory Annual Investment Program of the Local Disaster Risk Reduction Management Fund na tatlong buwan ng nakabinbin sa konseho.