Abante Tonite Interactive

Mayor Francisco ‘Isko’ Domagoso Batang Maynila

0 848

Ni Issa M. Santiago

                                    Nagbago ang buhay sa lamayan

Nag-viral sa social media si Manila Mayor Francisco ‘Isko ­Moreno’ Domagoso dahil pagkaupong alkalde ay nagtrabaho agad siya para sa pagbabago sa lungsod.
Pero sino nga ba si Mayor Moreno bago naging ‘Yorme ng Maynila.’
Sa panayam sa Walang Atrasan show ng Abante News Online ng mga host na sina Armida Rico at Jojo Sicat, pinanganak aniya si ­Mayor Moreno sa Tondo kaya isa siyang lehitimong ‘Batang Maynila.’
Nag-aral siya sa Rosauro Almario Elementary School at produkto ng Tondo High School.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Business Administration sa International Academy of Management and Economics noong 2003 at Bachelor of Laws sa Arellano University School of Law noong 2006.
Kumuha rin siya ng Doctor of Humanities on Community ­Development degree sa (Honoris Causa) sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila noong 2014.
Upang may mapang-aral ay naging basurero siya noon at sidecar boy.
Namulat siya na hangin lang ang kinakain. Puro kabag sa tiyan ang ­buhay na kanyang dinanas.
Simple lang ang naging pangarap niya noon na maging kapitan ng barko.
Taong 1998 naramdaman niya ang sobra niyang ­pagka-bless, ­naniniwala siya na ang nangyari sa kanya ay divine ­intervention. Nadiskubre siyang maging artista sa isang lamayan kung saan na naging mabilis ang paggaan ng kanyang buhay kaya naisip niya na ibalik ang blessing na kanyang natanggap sa mga tao.
Tumakbo siya noong konsehal at masuwerte siyang pinalad at naging three-term councilor ng lungsod. Doon na nagsimulang magbago ang kanyang buhay. Siya ngayon ang ika-27 na ­mayor ng Maynila.

                                 ‘Di na magiging dugyot

Isa sa naging pangako niya noong kampanya na lilinisin at paliliguan niya ang lungsod dahil sa pagiging dugyot umano nito at magulo.
Basura rito, basura roon at kanya-kanyang siga at teritoryo.
Kaya minabuti niya aniya na unahin ang ­ipinangako niya sa mga Manileño.
Dagdag pa niya, hindi naman umano masama ang intensiyon niya na ibalik muli ang kalsada sa taumbayan dahil ito aniya ang pinagmumulan ng gulo gaya ng snatching, holdapan at cutting trip ng mga driver.
Alam niyang duda ang publiko na baka sa una lang niya ito gagawin o ningas-kugon lang gaya ng ibang mga tao sa gobyerno pero aniya’y gaya ito ng isang ­sulat kung saan may tinatawag na bating panimula, may ­bahagi ng sulat, bating pangwakas at sa dulo ­naman ang lagda kaya malayo pa aniya ang kanyang ­tatrabahuhin para mapaganda ang Maynila.
Nananawagan siya sa taumbayan na ­gustong ­mapanatili ang kanyang sinimulan na ­makipagtulungan sa ­kanya para ­iahon ang Maynila para maging ­magandang bintana ng bansa.

                                        Nutribun, ibabalik

Siniguro ni Mayor Moreno sa mga Manileño na sa kabila ng financial health situation ng ­lungsod ay nananatili ang commitment ng ­lokal na pamahalaan sa pag-implementa sa Nutribun ­program.
Dinanas noon ng alkalde ang araw-araw na ­problema ng mga estudyanteng mahihirap sa ­pagkain sa eskuwela.
Noon umano ay excited silang mga estudyante na pumasok ng eskuwela dahil alam nilang may makakain sila dahil sa tinapay na nutribun at gatas na klim.
Nutribun program umano ito kung saan bibigyan ng gobyerno ng nutritious ready-to-eat free meals ang lahat ng kindergarten at Grade 1 public school students araw-araw.
Aniya, gagawan nila ng paraan na magkaroon ng pondo para maisakatuparan ang commitment nila na matugunan ang malnutrition sa mga estudyante.

                         Walang paki sa mga death threat

Aminado si Mayor Moreno na sa ­kanyang mga pagbabagong ­ipinatutupad sa lungsod ay may mga tao siyang naaapakan.
Aniya, hindi niya iniintindi kung ­makatanggap man siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay dahil dito.
Batid umano niya na bahagi ito ng ­tinatawag na occupational hazard.
Sa ngayon pinagpapasalamat niya sa mga vendor na nagkukusa na sa pagsasaayos ng kanilang mga paninda at sarili.

Attachments area