Abante Tonite Interactive

Mayor na nasa narco-list, pam-Presidente ang security

By
821

Nag-level up sa pag-iingat ang mga natatakot maisahan ng mga gumagalang killer sa mga dawit sa drugs kabilang ang isang mayor sa labas ng Metro Manila na nasa narco-list ni Pangulong Duterte.

Ayon sa aking bubwit, tila Presidential convoy tuwing may lakad si mayor sa dami ng security na mayroon pang mga hagad o motorcycle cops. Ang petmalu rito, ‘yung mga hagad ni mayor ay gumagawa pa ng ‘sweep’ bago siya lumabas at kapag papasok na sa kanilang village o sa kahit saan siya pa­punta, kahit siguro sa isang burol lang, masigurado lang na walang nag-aabang na killer o assassin sa paligid, ala-PSG o pres’l security group na seguridad na may advance party na nagmamanman sa lugar na pupuntahan ng presidente. Ang petmalu mo, mayor.

Nag-level up sa pag-iingat si mayor na nasa narco-list ni Digong kasunod ng serye ng assassination sa mga kapwa niya mayor at vice mayor – si Mayor Tony Halili ay pinatay ng sniper, si Mayor Ferdinand Bote ay inabangan at niratrat sa gate ng isang gov’t agency, habang in-ambush naman sa kalsada si Vice Mayor Alex Lubigan.

Kung may magtatangka man sa buhay ni mayor na nasa narco-list ng Duterte administration ay siguradong mapapalaban nang husto sa mga bodyguard niyang pulis at security personnel na sanay sa VIP security.

Pero ayon sa aking bubwit, kasama si mayor sa kinatatakutang listahan ng Presidente ng mga target sa ‘war on drugs’ dahil sa ope­rasyon ng kanyang ina at isang kapatid sa droga. Ina at kapatid ni mayor ang totoong sangkot sa drugs na maaaring hindi niya o ayaw niyang patigilin.

Ang mayor na doble na ang pag-­iingat sa assassins ay si Mayor ‘B’ ng lungsod na nasa ­labas lang ng Metro Manila.