Abante Tonite Interactive

Mayor ng Agusan del Sur at Maguindanao suspendido sa pagpapabaya sa tungkulin

By
895

Suspendido nang isang buwan ang alkalde ng Buenavista, Agusan del Sur at iba pang opisyal ng naturang munisipyo matapos mapatunayang guilty sa kasong Simple Neglect of Duty.

Sina Mayor Norberto Pagaspas, License Inspector Isaias Oraiz, Jr., Market Supervisor Jairus Arapan at Security Guard Armando Malaki ay pinasususpende ng Ombudsman nang isang buwan matapos na mapatunayang guilty sa naturang kaso.

Lumitaw sa imbestigasyon na noong Hulyo 31, 2016, iniutos umano ng mga respondent ang illegal demolition ng market stall na pag-aari ng complainant na si Mildred Estelliori.

Sa reklamo, sinabi nitong ang stocks ng kanyang tindahan ay pinagtatapon at ang masaklap pa ay ang refrigerator, flat screen television, water machine, coffee machine, stand trays at grocery goods na may kabuuang halagang P25,000.00 ay nawala.

Sa desisyon, sinabi ng Ombudsman na nabigo si Pagaspas na sumunod sa requirements sa ilalim ng Section 8 ng Municipal Ordinance No. 06-91, o ang Buenavista Market Code of 1991 na kailangang aprubado ng Sangguniang Bayan ang anumang demolisyon na gagawin sa isang lugar.

Samantala, sa hiwalay na desisyon, iniutos rin ng Ombudsman ang isang taong suspensyon laban kay Mayor Montaser Sabal ng Talitay, Maguindanao matapos mapatunayang guilty sa kasong Gross Neglect of Duty.

Kaugnay ito sa pagkabigo nitong ideklara ang kanyang substantial properties at business interests sa kanyang 2011 hanggang 2015 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), kabilang dito ang kanyang mga armas.