Abante Tonite Interactive

MAYOR PINATAY, ITINAPON SA DAGAT

By
19

Puspusan ang pagsu­yod ng mga awtoridad sa karagatan ng Punta Engaño sa Lapu-Lapu City upang matunton ang bangkay ni Bien Unido Mayor Gisela Boniel ng lalawigan ng Bohol na sinasabing binaril matapos kidnapin sa isang resort kamakalawa ng gabi sa kanyang bayan.

Inaresto naman ng Regional Intelligence Division (RID) ng Central Visayas Police Regional Office ang mister ng alkalde na si Bohol Board Member Niño Rey Boniel at dalawang iba pa kaugnay sa pangyayari.

Kinilala na ang dalawa pang inaresto ay ang pinsan ng board member na si Kevin Boniel at isang Randel Lucas.

Ayon kay Senior Supt. Jonathan Cabal, head ng RID ng Central Visayas Police Regional Office na nakabase sa Cebu City, sinimulan nila ang paggalalugad sa Punta Engaño dahil sa tinanggap na ulat ng pulisya na sa na­sabing karagatan itinapon ang bangkay ng alkalde.

Wala pang inilalabas na reaksyon ang mister ng biktima sa alegasyon.

Pero ayon kay Cabal, ikinanta diumano ng board member na ang pinsan nitong si Kevin ang bumaril at nakapatay kay Gisela.

Inaresto ang tatlo matapos na humingi ng saklolo sa pulisya ang kaibigan ng lady Mayor na si Angela Leyson.

Kuwento ni Leyson, magkasama sila noong Martes ng gabi sa isang resort nang pasukin ng mga ­armadong lalaki ang kanilang kuwarto at pinosasan, piniringan at nilagyan ng duct tape ang bibig at narinig nito ang alkalde na nakiusap sa kaniyang mister na huwag idamay ang kaniyang mga kaibigan.

Pero dinukot ng mga lalaki si Gisela kasama ang anak nito at hindi na nila ulit nakita.