Abante Tonite Interactive

Mayor Sara bilib kay Gloria, tinawag na strong leader

By
3,168

Isang araw matapos maluklok bilang bagong House Speaker si da­ting Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay nagpaabot ng pagbati si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Sa kanyang maikling text message ay ipinaabot ng alkalde ang kanyang pagbati at tinawag niya itong ‘strong leader’.
Naging malaking isyu ang pagkaluklok ni Arroyo bilang House Speaker dahil itinaon ang pagpapatalsik kay Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ilang minuto bago magsimula ang State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte kahapon.

Inabot ng mahigit isang oras ang paghihintay ng mga bisita sa plenaryo ng Kamara dahil hiwalay na kinausap ng Pangulo sina Arroyo at Alvarez.

Tumanggi namang magkomento si Mayor Sara sa bintang na mayroon umano itong kinalaman sa pagkakatalsik ni Alvarez kahapon sa Kongreso.

Matatandaang nag-away at nagpalitan ng maaanghang na salita sa media sina Alvarez at Mayor Sara dahil sa isyu sa politika.

Hindi rin nagustuhan ng anak ng Pangulo ang pagyayabang umano ni Alvarez na kaya nitong ipa-impeach si Pangulong Duterte.

Samantala, dedma naman si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa pagkakaluklok ni Arroyo bilang House Speaker.

“I was dedma,” ani Morales kasabay ng pagsasabing, “That’s the prerogative of the members of Congress to elect her as House Speaker.­”