Abante Tonite Interactive

Mayor Sara inawat ng ina sa away kay VP Leni, oposisyon

By
0 225

Ibinunyag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tinawagan at napagsabihan siya ng kanyang inang si Elizabeth Zimmerman dahil sa ‘word war’ kay Vice President Leni Robredo at iba pang miyembro ng oposisyon.

Sa ambush interview kay Duterte sa Lipa City, Batangas nitong Linggo, sinabi nito na tinawagan siya ng ina mula sa Davao City matapos ang kanyang pahayag laban kay Robredo at pinagsabihan na huwag i-bully ang oposisyon at maging mabait sa lahat.

“(She told me to) shut it down. Sabi ko sumasagot lang naman ako tapos ‘yun ang sinabi niya. (Then she replied) that: ‘You have to be kind first of all,’” ayon kay Duterte.

“Sinabi niya na ‘wag daw ako makipag-away at ‘wag ko raw i-bully ‘yung opposition sa administration ni President (Rodrigo) Duterte,” dagdag pa ng presidential daughter.

Dahil dito kung kaya’t nagpasya si Duterte na tatahimik na lang muna ­dahil na rin sa payo ng kanyang 70-anyos na ina.

“Nag-pack-up na po ang Inday Sara show. Wala na po siya. Sarado na po siya… wala na Ma’am. Wala nang ­kulay ang ating kampanya. Wala na talaga. So sad,” ani Duterte.

Nauna rito ay binanatan ni Duterte si Robredo at sinabihan ito na walang karapatang magsalita tungkol sa ­honesty at integrity dahil sa unang araw pa lamang ng pag-upo nito sa nasabing puwesto ay tinawag na siyang “fake vice president” kaugnay na rin ng kinakaharap na electoral protest.

Nagalit si Duterte dahil sa pahayag ni Robredo laban sa mga senatorial candidate ng Hugpong ng Pagbabago na hindi na dapat tumakbo kung hindi naman pinapahalagahan ang ­katapatan.