Abante Tonite Interactive

McCollum, Portland vs Warriors sa West Finals

356

Kumakalabog lang sa backboard ang mga tira ni Damian Lillard, umaalog sa rim, walang pumapasok.

Pero dahil kay CJ McCollum, martsa pa rin sa Western Conference finals ang Portland Trail Blazers.

Umiskor si McCollum ng 37, nagdag­dag ng krusyal na chase-down block sa closing minutes at inagawan ng Blazers ng panalo ang Denver Nuggets 100-96 para umabante sa una nilang conference championship sapul noong 2001.
Uumpisahan ang rambulan sa Miyerkoles (araw sa Manila) laban sa two-time defending NBA champion Golden State Warriors.

Nagkasya lang si Lillard sa 13 points at 3 of 17 mula sa field, pero dalawa rito ay critical 3-pointers sa fourth quarter na nagbigay sa Portland ng 81-76 at 92-85 leads.

“It’s a luxury to have two guys like that who can find different ways to score in different ways,” suma ni Blazers coach Terry Stotts. “CJ does it one way, Dame does it another. On a night when Dame struggled shooting the ball, CJ came up big.”

Sa 4:44-mark ng fourth lamang ang Trail Blazers 87-83, hinabol at binutata ni McCollum ang breakaway layup ni Jamal Murray.

Lamang lang sa 96-95 ang Portland, mula sa timeout ay nagbaon ng pull-up jumper si McCollum sa harap ni Torrey Craig 12.4 seconds na lang.

Sablay ang unang free throw ni Nikola Jokic, sa halip na imintis pa ang pangalawa ay ipinasok para ilapit ang Denver 98-96. Swak ang dalawang free throws ni Eric Turner 8 seconds na lang na naging final margin, kabyos ang malayo 3 ni Jokic 5 ticks na lang. Hinablot ni Turner ang rebound at naselyuhan ang panalo. (VE)