Abante Tonite Interactive

McCullough tinik ng Phoenix

300

Nasa seventh spot ng PBA Commissioner’s Cup sa kasalukuyan ang Phoenix Pulse sa 4-5, nasilat sa Columbian Dyip 100-98 nitong Sabado.

Nanganganib malaglag sa top eight, kailangang ipanalo ng Fuel Masters ang dalawang huling asignatura sa eliminations para umabante sa quarterfinals.

Kinalsuhan ng Dyip ang two-game run ng Phoenix, uumpisahan ng Fuel Masters ang pagbawi kontra San Miguel Beer sa second game mamayang alas-7 ng gabi sa sa Smart Araneta Coliseum.

Mahirap para kay coach Louie Alas. Kung tinalo ang Dyip, pasok na sana ang isang paa nila sa quarters.

“Now we have to face San Miguel na sobrang galing nung import, and we have to face NLEX na nagbago rin ng import,” anang coach.

Tatapusin ng Phoenix ang eliminations kontra NLEX sa Biyernes.

Mas mabigat ang pasan ng Beermen, nasa labas ng magic 8 sa 3-5 baraha at namemeligrong mapagsarhan sa next round.

Must-win na ang Beermen sa huling tatlong laro, pagkatapos ng Phoenix ay isusunod ang Rain or Shine sa Sabado bago ang Meralco sa July 17.

Pinauwi ng San Miguel si Charles Rhodes, ipinalit si Cris McCollough.

Pasabog agad ang NBA first-round draftee ng 47 points mula sa 6 of 12 shooting sa 3-point range nang giyahan ang San Miguel sa 109-105 panalo kontra NLEX noong Biyernes.

Humarabas ng 12 straight points si McCollough, tatlong sunod mula sa labas ng arc, sa isang stretch sa third quarter nang ilayo ang Beer 86-63.

Nahawa rin ang mga kakampi, nag-deliver ng 12 points si Christian Standhardinger at tig-11 sina Marcio Lassiter at Alex Cabagnot.

Isasagupa ng Phoenix sina Richard Howell, Matthew Wright, Alex Mallari at Jason Perkins.(Vladi Eduarte)