Abante Tonite Interactive

Mcdonald’s crew timbog sa shabu, marijuana

By
269

Inaresto ng mga pulis ang isang 21-­anyos na binatang service crew ng isang sangay ng ­McDonald’s sa Makati City makaraang mabisto ito na may dalang shabu at marijuana nang pumasok sa trabaho kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Berjer Despabiladeras na residente ng F.B. Harrison St., Bara­ngay 4, Pasay City.

Batay sa ulat, inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct 4 ang suspek sa loob ng sangay ng McDonald’s na matatagpuan sa panulukan ng EDSA at Evangelista St., Brgy. Bangkal sa Makati City bandang alas-2:15 ng hapon.

Unang napansin umano ng manager ng natu­rang sangay na kinilala lang sa pangalang ‘Guia’, na tila wala sa kanyang sarili ang suspek sa gitna ng pagtatrabaho nito.

Kinausap ng manager ang kanilang guwardiya na tumawag sa presinto.

Iniwan naman ng suspek ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa at nang suriin ng guwardiya, nadiskubre sa loob ang dalawang selyadong pakete ng umano’y shabu at tatlong pakete ng hinihinalang marijuana.

Pagdating ng mga pulis ay agad na sinuri ang laman ng bag sa harapan ng manager at natagpuan ang marami pang pakete ng umano’y nabanggit na droga.

Dahil dito, inaresto ang suspek at idineretso sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit para isailalim sa masusing imbestigasyon at matukoy ang supplier nito ng droga.