Abante Tonite Interactive

Measles outbreak sumalisi dahil sa takot sa Dengvaxia

10,819

Nanawagan ang  Malacañang  sa  magulang  ng  mga  estudyante  na  huwag matakot  sa  vaccination  program ng  gobyerno dahil  mas  peligroso  kung  hindi mabakunahan ang  mga  bata   laban sa  iba’t ibang  sakit lalo na ngayong kumakalat ang sakit na tigdas.

Sa  harap  na  rin ito ng pagtutol  ng  mga  magulang  na  ipabakuna ang  kanilang  mga  anak  bunsod  na  rin ng  takot  na  matulad  sa sinapit  ng  mga  batang  namatay sa  anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Sinabi  kahapon  ni  Presidential Spokesman Harry Roque na  naiintindihan ng Palasyo ang  pangamba  ng  mga  magulang  subalit  tiniyak na  mananagot  ang  mga  mapapatunayang  nagkasala  sa pinsalang  idinulot  ng  dengvaxia vaccine.

Nagpapatuloy  pa  aniya  ang  imbestigasyon  laban sa  mga  dating opisyal  na may  kinalaman sa  pagbili  ng  nabanggit  na  bakuna.

Sinabi ni Roque  na  mayroon ng  measles  outbreak sa  ilang  lugar sa  bansa  kaya  dapat alisin ang  takot  para malunasan ang  mga  batang  dinapuan nito.

“Nananawagan po ang Palasyo sa mga nanay at tatay. Hindi po lahat ng vaccines ay masama, in fact on going pa po ang imbestigasyon sa Dengvaxia. Mas masama  po kapag itigil natin ang mga bakuna  laban sa mga sakit na alam natin na nakamamatay na rin.

Naintindihan po namin iyong paga-atubili ng mga magulang, pero dahil nga po dito sa pagkatakot sa bakuna nagkakaroon na ngayon ng mga measles outbreak eh dati po wala na dapat measles,” ani Roque.

Mas  delikado  aniya  kapag  hindi nagpabakuna ang  mga  bata  sa  ibang sakit dahil  matagal ng mayroong  programa  ang  Department  of  Health (DOH)  para  matiyak ang  kaligtasan at  kalusugan ng  mga  batang  pinoy sa bansa.

Pinulong  ni Pangulong Rodrigo Duterte  noong  Huwebes  sina  Justice Secretary Vitaliano Aguirre, si VACC chair  at ngayon ay Chairman ng Presidential anti-Graft Commission Dante  Jimenez at  Public Attorney’s  Office Chief  Persida Acosta at  tiniyak na  papanagutin ang  mga  dapat  managot  sa dengvaxia  issue.

Inatasan din ng Pangulo ang  lahat  ng  pampublikong  ospital na gamutin ang  mga  batang  naturukan ng  dengvaxia  at  sasagutin ng  gobyerno ang  gastos sa  gamot  ng  mga  ito.

Napagkasunduan din na  kumuha  ng  mga  dayuhang clinical pathologist kung  kinakailangan  para  tukuyin kung  ang  ikinamatay  ng  mga  bata  kamakailan ay dahil sa  dengvaxia  vaccine.