Abante Tonite Interactive

Media hub ng gobyerno sa Luzon at Visayas ikinakasa na

208

Palalawigin ng gobyerno ang pagtatatag ng media hub sa buong bansa para maging mas epektibo ang paghahatid ng mga balitang pang-gobyerno at malabanan ang pagkalat ng fake news.

Unang itinayo ang media hub sa Mindanao na malapit nang matapos kaya isusunod ang pagtatayo nito sa Luzon at Visayas.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na sa bawat media hub ay ilulunsad ang mga inisyatiba sa Freedom of Information, media security pati na ang pagtuldok sa local communist armed conflict.

Magkakaroon aniya ng ma­laking papel ang mga kabataan sa mga itatayong media hub kung saan ilulunsad ang Youth for Truth project, isang literacy program para sa mga kabataan para malabanan ang fake news.

Planong itayo ang media hubs sa Cebu para sa Visayas region, habang sa Clark, Pampanga naman para sa Luzon.

“Ito ang tinatawag natin na Government Communications Training Facility. So this will be the first of its kind in the Philippines, na isang training facility na nakatutok lang, naka-focus lang mismo sa pag-train ng mga information officers na nasa gobyerno; sa local government all the way to the national government.

Itong training facility na ito ay sasanayin ang mga information officers natin – sa larangan ng TV, radyo, ng pahayagan, online at news agencies – para talagang we are all in just one page, tayong lahat sa government information business ‘no,” ani Andanar. (Aileen Taliping)