Abante Tonite Interactive

Megan-Mikael naganap na ang secret wedding?

695

Sa Iceland ang punta ng Kapuso sweethearts na sina Megan Young at Mikael Daez ngayong Holy Week para magbakasyon grande.

Nag-Korea muna ang magsyota para sa ‘Avengers:­ Endgame’ event, pero 3 days lang sila roon then fly na sila ng Belgium.

Sa Belgium nakatira ang isang sister ni Mikael, so lagi silang nagsa-sidetrip doon tuwing nagpupunta sila ng Europe. 3 days lang din doon tapos, fly na sila to Iceland.

Ang chika sa amin ni Mikael nang matiyempuhan namin siya sa isang bagong resto near GMA, adventure trip ang biyahe nilang ‘yon ni Megan at hindi relax-relax lang.

Meron silang 2 nights na camping sa may volcanic area, tapos pupunta rin sila sa Blue Lagoon at iba pang popular sites doon sa Iceland.

Mahal ang biyahe pa-Iceland, pero pinaghandaan daw ito ng MegMik at nag-save sila last year pa nu’ng may ‘The Stepdaughters’ sila pareho para enjoy.

Bale 11 days daw sila roon, so ito ang pinakamahabang vacation nila ever.
May makakasama silang workshop group doon sa Iceland na gaya ng nakasama ni Mikael nu’ng mag-Alaska siya. Siyempre ay excited siyang mag-vlog at kumain ng kung ano-ano sa malamig na lugar na ‘yon.

Kagaga­ling lang nilang da­lawa ng Osaka, na may post si Mikael na nakakatawa ‘yung itsura ni Megan nu’ng nasa itaas sila ng Umeda Sky Building. Nalula kasi si Megan at big­lang natakot dahil meron pala itong fear of heights.

Sey ng 31-anyos na Kapuso hunk, happy sila na ang dami nilang biyahe together. Napag-usapan pala nila na parang redundant na kung magba-vlog din si Megan sa YouTube, so si Mikael na lang ‘yon.

Kay Megan ang livestream gaming sa Facebook bilang gamer ang 29-anyos na actress-beauty queen. Malaki rin daw ang kita sa streaming ng games sa FB, so bale kanya-kanya sila.

Meron din silang podcast together na ‘Behind Relationship Goals’ ang pamagat. Once every two weeks daw ito at naka-9 episodes na sila sa Spotify at iTunes, na may YouTube rin. It’s doing very well, sabi ni Mikael. In fairness ay may digital career pala ang magkasintahan.

Sabi namin kay Mikael, mag-e-expect na naman ang mga tao na pagpunta nila ng Iceland ay magpo-propose na siya kay Megan.

Aniya, dati ay pinaamin sila na magdyowa na. Pagkatapos ay kasal naman ang kasunod, and then baby na.

“Eh paano kung tapos na ang wedding?” naka­ngiting hirit sa amin ni Mikael.
Naku, parang duda kaming may secret wedding nang naganap.

“We’ll see, we’ll see. Alam n’yo naman ako, very go with the flow. So, mararamdaman ko lang ‘yon.”
Nape-pressure ba siya?

“Not at all. Kasi, sabi ko naman kay Megan, pinag-uusapan naman namin, ‘You know what? If we get married today, tomorrow walang magbabago sa atin.’ Ganu’n pa rin kami, same relationship.

“So, I told her, when we both really, really feel it, we’ll talk about it and then ‘yan na. Siyempre, magpo-propose pa rin ako, kasama pa rin ‘yon. Alam mo naman ako, magkakaroon ‘yan ng surprise,” masayang bulalas ng morenong binata.

Sa dami ng napuntahan na nilang lugar sa buong mundo, kailangan ba sa isang grand na lugar maganap ‘yung proposal niya?

“Okey sige, the venue could be grand pero ‘yung actual act will be very simple and traditional. Walang eroplano na may streamer (sa ere na ‘Will you marry me?’), wala tayong gano’n.

“It will be a very simple, down on one knee, say the words. ‘Yun na ‘yon. So, excited din naman ako. I’m waiting also for the time. It’s close, it’s getting closer and closer, so it will come.”

Magna-9 years na this year ang relasyon nina Mikael at Megan.
***

Echo matutulog sa Holy Week

Matulog ang plano ni Jericho Rosales ngayong Semana Santa.

Baka dito lang daw sila sa Manila ng bisi-bisihan ding wifey niya na si Kim Jones, so sa bahay lang silang mag-asawa.

“Relax lang kami. Time to switch off and pray,” sabi ni Echo.

Nasa huling dalawang linggo na ang primetime serye niyang ‘Halik’ na after ay baka magbakasyon daw muna siya o mag-aral abroad.

Plano ring mag-aral abroad ni Kim, na nagdidirek na ngayon ng videos at digital content para sa foreign fashion magazines at international brands.

Very creative si Kim, na bukod sa pagmo-model ay ang dami pang ibang pinagkakabisihan. ‘Direk’ na ang tawag dito ni Echo at gaya niya ay ang dami pang gustong gawin ng kanyang gandarang misis.