Abante Tonite Interactive

Mekaniko agaw-buhay sa ligaw na bala

169

Malubhang nasugatan ang isang mekaniko nang tamaan ito ng ligaw na bala habang nakikipag-inuman sa isang binyagan sa Malabon City, Sabado ng gabi.

Nilalapatan ngayon ng lunas sa Tondo Medical Center si Arvin De Jesus, 26, binata, residente ng Brgy. Baritan sa nasabing lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanyang dibdib mula sa baril na .9mm caliber.

Boluntaryo namang sumuko sa mga pulis ang nakabaril na si Reynante Alcantara, 62, may-asawa, farm mana­ger ng Land Lake Forest Inc. sa Iloilo, at nakatira rin sa Brgy. Baritan.

Sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-siyete ng gabi, nakikipag-inuman sa pabinyag ng kanyang kaibigan si De Jesus sa Ilang-Ilang St., Brgy. Baritan nang makarinig sila ng putok ng baril.

Kasunod nito ay bumagsak sa semento ang biktima hawak ang duguang dibdib.
Nagkagulo ang mga tao sa binyagan nang makitang tinamaan ng ligaw na bala si De Jesus at agad nila itong isinugod sa ospital.

Lumapit naman sa pinangyarihan ng insidente si Alcantara at sinabing aksidenteng pumutok ang kanyang baril na 9mm caliber. (Besa Thunder 9) habang nililinis niya ito.

Nakakulong na ang suspek habang patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa insidente at sa kasong isasampa laban sa kanya. (Orlan Linde)