Abante Tonite Interactive

Mekaniko patay sa kinalikot na motorsiklo

467

Nasawi ang isang mekaniko dahil sa inaayos nitong motorsiklo sa isang motorshop sa Barangay Kumintang Ibaba, Batangas City Linggo ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Batangas Medical Center ang biktimang si John Paul Aguila, 24, isang engineering student at residente ng San Pascual, Batangas.

Batay sa report ng Batangas City Police, bandang alas-9:00 ng gabi, ina-upgrade ng biktima ang ipinapagawa sa kanyang isang bagong Yamaha Aerox motorcycle nang biglang bumigay ang crankcase ng motorsiklo.

Tumilapon ang mga nagkapira-pirasong piyesa at tumama sa biktima na noon ay nakaupo sa may gilid ng motorsiklo habang tinetesting ang andar nito.

Ayon sa imbestigasyon, kumalas ang ipinalit na bell at clutch sa motorsiklo na naging dahilan ng pagkawasak ng crankcase.

Napag-alaman na ginagawang sideline ng biktima ang pagmemekaniko sa shop kapag wala itong pasok sa eskuwelahan. (Ronilo Dagos)