Abante Tonite Interactive

Menos gastos sa Pasko

365

julius-segoviaIsang buwan na lang, Christmas season na. Pagpatak ng Set­yembre, sigurado akong may maririnig na tayong Christmas carols. Talaga namang Pilipinas ang may pinakamahabang Pasko. Marami sa atin, nagsisimula na ring mamili ng mga panregalo.

Sa totoo lang, masakit sa ulo ang pamimili ng regalo para sa mga inaanak lalo na kung rush at hindi napag­handaan. Hindi lang sa ulo masakit, pati bulsa mo sigurado akong aaray sa laki ng gastos.

Gaya ko, umabot na ng mahigit sisenta ang bilang ng inaanak ko.

Kung tutuusin, hindi naman dapat magmaktol. Importante lang na planado ang lahat para hindi ka mabigla sa laki ng mga gastusin.

Ngayong mahigit apat na buwan pa bago ang Christmas day, puwede ka nang magsimulang mamili ng regalo.

Mag-set ng budget para sa mga inaanak. Mas okay ito para makontrol mo ang paggasta. Kapag wala kasing ceiling budget, malamang na mag-sky’s the limit ka. Baka ikaw naman ang maubusan para sa sarili at pamilya mo.

Mas abot-kaya pa ang mga panregalo ngayon. Walang dudang magmamahal ‘yan habang papalapit ang Pasko.

Related Posts

Ihanda ang shopping list. Ilista ang pangalan ng mga inaanak. Mahalagang alam mo ang edad at kasarian nila. Malaki ang maitutulong nito sa regalong ibibigay mo sa kanila.

Kung huhulaan mo lang kasi ang edad at kasarian, posibleng magkamali ka pa ng bili. Mag-aaksaya ka lang ng pera.

Dahil maaga-aga pa, puwede ring may perso­nal touch ang regalo mo. Ikaw mismo ang magbalot nito gamit ang lumang magazines at newspapers. Tipid ka pa sa gift wrapper.

Okay lang din namang magbigay ng laruan. Pero tiyakin na angkop ito sa edad ng iyong inaanak.

Kung ako ang tatanungin, isa ring magandang regalo sa Pasko ang educational toys and books. Siguradong magugustuhan ito ng mga bata. Matututo pa sila.
Sa mga taong busy na walang panahong mamili, madalas aguinaldo na lang ang naibibigay sa mga ina­anak.

Uulitin ko ang taunang mantra ng Sociologist at mentor kong si Bro. Clifford Sorita, “hindi Bangko Sentral ng Pilipinas ang inyong mga ninong at ninang. Gabay mo sila sa pag-unlad bilang isang mabu­ting Kristiyano.”

Ang sa akin lang, minsan lang naman sa isang taon ang Pasko kaya importanteng bigyan natin ng regalo ang mga inaanak. Isipin din nating para sa mga bata ang okasyong ito. Kaya habang maaga, mamili na. Iwas siksik na, makakamenos ka pa.