Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco-MVP `shock bill’ sinisi sa coal

0 513

Nawindang ang Power for People Coalition o P4P kahapon dahil sa maling pagkabasa ng isang kongresista sa datos nito tungkol sa kuryente.

Nangyari ito sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability ukol sa `shock bill’ na naranasan ng mga kustomer ng kompanya ni Manuel V. Pangilinan na Meralco.

Sinabi kasi ni Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez na dapat coal lamang ang dapat gamitin ng Meralco para sa baseload requirement nito imbes na natural gas dahil mas mura ang coal.

Ayon sa P4P, nagagalak sila dahil inaaksyonan ng Kongreso ang problema sa mahal na kuryente ngunit mali ang impormasyong ginagamit nito tungkol sa coal at maaaring mas makasama pa ito sa kalagayan ng mga consumer imbis na makabuti.

“The Philippines has some of the highest electricity rates in Asia but using more coal will only drive up prices more,” sabi ni P4P convenor Gerry Arrances.

Noong 2019, ang mga pinakamahal na siningil ng Meralco na kuryente ay galing sa mga coal plant. Sabi ni Arrances, coal ang pinakamalaking pinagkukunan ng kuryente noong 2019 at 38% ng kuryenteng ginagamit ay galing dito. Sa Luzon, 6GW ng coal ang ginamit at halos doble ito sa gamit ng natural gas.

Maraming problema ang kuryenteng galing sa coal at sinisisi ito sa climate change na delikado para sa bansang tulad ng Pilipinas dahil maaaring tuluyan nang lumubog at hindi na matirhan ang mga maliliit na isla dito.

Dagdag pa ni Arrances, tinatanggi rin ng datos na galing sa Department of Energy (DOE) ang paniniwala ng mambabatas ng Laguna. Mula November 2017 hanggang April 2018, ang pinakamahal na inabot na presyo ng renewable energy ay nasa P5.05 per kilowatt hour lamang samantalang ang pinakamataas na inabot ng kuryente galing sa coal ay tumalon pa ng P59.72 per kWh noong parehong panahon.

“Clearly one energy source is cheaper than the other,” sabi Arances.

Bukod sa mahal, lumalaki rin ang pinagkakagastusan ng mga consumer kapag coal ang ginagamit kung titingnan aniya ang ginagawa nitong pinsala sa mga komunidad kung nasaan ang mga planta nito, lalo na sa kalusugan ng mga tao pati na kabuhayan. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.