Abante Tonite Interactive

Meralco 29.6B refund butata sa ERC

210

Hinarang ng isang abogado ng E­nergy Regulatory Commission (ERC) ang inihaing petisyon ng Matuwid na Singil sa Kuryente Consu­mers Alliance Inc. para sa P29.6 bilyong refund sa Manila Electric Company (Meralco).

Ayon sa MSK, ayaw tanggapin ng hindi pinangalanang abogado ng ERC ang kanilang petisyon dahil rate case raw ito na may iba pang mga requirement samantalang mandato ng ERC ang bantayan ang interes ng mga consumer.

“Instead on December 5, ERC actually blocked MSK’s first attempt at just submitting the consumer complaint. An ERC lawyer just decided that she did not want to allow MSK to file a petition allegedly because it is a rate case that has pre-filing requirements,” sabi ni MSK convenor David Celestra Tan.

Tinanong ni Tan ang awtoridad ng nasabing abogado maging ang mga receiving clerk sa docket office na pangunahan ang mga commissio­ner na ang tungkulin ay pag-aralan at desisyonan ang mga reklamo ng mga consumer.

Naghain ng petisyon ang MSK noong Disyembre 5 sa ERC para ma- refund sa Meralco ang P29.6 bilyon mula sa sobrang kinubra nito mula sa annual distribution charges mula noong 2013 hanggang 2018.

Sabi ni Tan, ang mga distribution rate na binabayaran ngayon ng mga consumer ay kinuwenta noon pang 2013 at ang ginamit na basehan ay ang mas maliit na energy sales na 30.61 billion kilowatt hour at ang annual growth rate na nasa 3.5% lamang.

Ayon kay Tan, nasa 34 bilyon kWh na ang sales ng Meralco noong 2012 at ito ang dapat na ginamit na basehan ng ERC ng kinuwenta nito ang distribution rate nu’ng 2013 at hindi 30.61 bilyon.

Sa petisyon ng MSK, hiniling nito sa ERC na mag-utos na sa Meralco na magbigay ng provisional refund kahit kalahati lang ng hinihingi nito o P14.8 bilyon habang kinukuwenta pa ang tama at tinitingnan pa ang overcharges ng Meralco at ang kaakibat na interes na kinita nito sa sobrang singil mula 2013 hanggang 2018.

Mali ang paggamit na annual growth rate na 3.5% sa sales ng Meralco dahil 6.78% per year na ang average growth ng sales nito sa nakalipas na siyam na taon kaya umabot sa P29.6 bilyon ang kuwenta nito sa overcharging na nangyari. (Eileen Mencias)