Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco bidding pabor sa coal plant, pinaawat

0 49

Sumugod ang mga grupo ng consumer sa Supreme Court (SC) kahapon para maghain ng petisyon laban sa Department of Energy (DOE) at Bids and Awards Committee (BAC) ng Meralco na nagsasagawa ng bidding o Competitive Selection Process (CSP) para sa suplay ng 1.8 gigawatt ng kuryente.

Hiniling ng grupong Power for People Coalition o P4P, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Sanlakas, Freedom from Debt Coalition, at Konsyumer sa SC ang pagpapatigil sa bidding sa pagitan ng Meralco at mga planta ng kuryente na gumagamit ng terms of reference (TOR) na umano’y dehado ang mamamayan.

“Umaasa kami na papanigan ng Korte Suprema ang mga konsyumer dahil kung hindi, dalawang dekada na naman ng sobra-sobrang singil ang aabutin natin. Binabalewala ng Meralco ang layunin ng CSP na magsupply ng murang kuryente sa kanyang mga kliyente,” sabi ni Gerry Arances, convenor ng P4P.

Nabatid na noong 2019, inutos ng SC na magsagawa ng CSP ang Meralco para sa bidding sa mga kakailanganing kuryente ng mga kustomer nito.

Ayon sa grupo, nakapagsagawa ang Meralco ng dalawang ‘pro-consumer’ na bidding noong 2019 na walang ipinasang obligasyon sa mga konsyumer at garantisado ang 100% na supply ng kuryente, pero sa kasalukuyang bidding, tinanggal diumano ng Meralco ang mga ito.

Sabi ng P4P, binalik lamang ng Meralco sa dating gawi ang bidding nito ngayon at hindi na sinusunod ang direktiba ng SC.

“Ang TOR na gamit ng Meralco ay may matinding impak sa konsyumer. Di lang sa presyo ng kuryente kundi pati na rin sa kalusugan at kapakanan nito. Nakadisenyo ang bidding para paboran ang mga plantang gumagamit ng coal. Hindi nakakagulat na makikinabang dito ang dalawang planta ng Meralco sa Atimonan at Calaca. Hindi papayagan ng PMCJ at P4P na matuloy ang balak ng Meralco kapalit ng pagkakasira ng kalikasan at papatindi epekto ng climate change sa ngalan ng tubo. Hindi rin dapat pumayag ang TPBAC at DOE,” sabi naman ni Ian Rivera ng PMCJ.

Puna ng grupo, tinatanggal ng bagong proseso ang safeguard na sasangga sa epekto ng magalaw na presyo ng kuryente na naramdaman ng marami sa pandemic bill shock at malinaw na diskarte lang ito ng Meralco para mapalusot ang mga bagong supply contract na ito ang makikinabang.

Sabi ni PMCJ national coordinator Ian Rivera, pinapaboran ng bagong TOR ang mga coal power firm kasama na ang sarili nitong Atimonan at Calaca coal-fired power plant. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.