Abante Tonite Interactive

Meralco kuryentaas pinakalkal sa Kamara

0 439

Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang biglang pagsirit ng Meralco billing sa kanilang mga kustomer habang nasa gitna ng kinakaharap na coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang bansa.

Sa House Resolution No. 879 na inihain ng grupo, hiniling sa House committee on energy na magsagawa ng imbestigasyon kasunod ng kaliwa’t kanang reklamo ng mga consumer kaugnay sa biglang pagsirit ng kanilang electricity bills.

“Several media reports quoted electric consumers complaining about their Meralco bill that have tripled or, for some, even quadrupled, despite their present low consumption, as well as previous months,” ayon sa resolusyon.

Ayon sa grupo, ang kuwestiyonableng pagtaas ay lalo pang nakadagdag sa pasanin ng karamihan lalo ngayong nahaharap ang lahat sa mahirap na pamumuhay dulot ng COVID-19 pandemic.

Iginiit pa ng grupo ang overcapacity ng electricity supply na patunay umano na walang dahilan para tumaas ang bayarin sa kuryente.

Sa naturang resolusyon, tinukoy din ng Makabayan bloc ang Section 4 (i) ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act na malinaw na nakasaad na binigyan ng kapangarihan ang Pangulo na magpatupad ng mga hakbang upang protektahan ang sambayanan mula sa mga mapagsamantala tulad ng hoarding, profiteering, injurious speculation at manipulation ng presyo at iba pa.

“The Energy Regulatory Commission (ERC) is also mandated to penalize market power, cartelization, and anti-competitive or discriminatory behavior by any electric power industry participant and should have conducted its own investigation already,” ayon pa sa resolusyon.

Una nang pinagpaliwanag ng ERC ang Meralco kung paano nito ginawa ang kompyutasyon ng electricity bill ngayong panahon ng quarantine. (Eralyn Prado)

Tonite – Wendys Inhouse Ad