Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Meralco-MVP barado sa MECQ `shock bill’

0 285

Winarningan ni Senador Sherwin Gatchalian ang Meralco at iba pang distribution utility laban sa posibleng pagkakaroon muli ng hindi maipaliwanag na electricity bill ngayong inilagay ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

“We’re at it again. Metro Manila and nearby areas are now back to modified enhanced community quarantine. Meter readings may not be possible due to the lockdown period,” pahayag ni Gatchalian.

Bukod aniya dito, maaari ring humiling muli ng extension sa pagbabayad ng kanilang konsumo sa kuryente ang mga kustomer na apektado ng MECQ

Nahaharap ang Meralco sa maraming reklamo kaugnay ng hindi maipaliwanag na pagtaas na buwanang electricity bill ng kanilang mga kustomer sa panahon ng community quarantine.

“Nabulagta na nga ang mga tao sa overestimation at underestimation ng Meralco sa nagdaang monthly bills, baka magkaproblema na naman sa computation ng darating nilang billing statement ngayong MECQ. `Yong iba, dapat may refund pa,” sabi pa ni Gatchalian.

Umaasa rin si Gatchalian, chairperson ng Senate committee on energy, na muling mag-iisyu ng direktiba ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco at iba pang distribution utility na muling magpatupad ng staggered payment scheme sa panahong ng MECQ.

Samantala, nanawagan naman ang Meralco sa mga local government unit (LGU) at mga barangay official na kilalanin ang mga tagabasa nila ng metro bilang essential worker at payagang magtrabaho habang nasa MECQ ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan.

Pinangako ng Meralco na hindi sila mang-iistorbo at pagsusuotin ng kumpletong personal protective equipment ang mga magbabasa ng metro bilang pag-iingat. Sa ganitong paraan umano ay tama ang masisingil nila sa mga kustomer.

Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng Meralco ni Manuel V. Pangilinan na tuloy ang operasyon nito tulad ng pagbabasa ng metro ng kuryente sa kabila ng MECQ. Mananatiling bukas din ang mga business center nila para tumanggap ng bayad, magproseso ng mga aplikasyon at sagutin ang mga concern ng mga kustomer nito. (Dindo Matining/Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.