Abante Tonite Interactive

Meralco-MVP, ERC hinarang ng SC sa sobrang singil

156

Pinawalang-bisa ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nag-apruba at nagdeklarang final na ang tinatawag na unbundled rates ng Meralco ni Manuel V. Pa­ngilinan, na siyang ginamit na batayan para sa 168 sentimong dagdag singil kada kilowatt hour na pinatupad noong 2014.

Ayon sa desisyon ng SC noong Oktubre 8 na sinulat ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, nilabag ng kautusan ng ERC ang mandato nitong si­guruhing pinakamababa dapat ang isisingil sa mga consumer matapos na dinedma nito ang mga disallowances ng Commission on Audit (COA).

Batay sa pag-aaral ng COA, may excess revenue o over recovery ang Meralco at tinutubuan pa nito ang kita na nakukuha na sa mga consumer.

“In partially granting the petition, the SC found that the ERC failed to properly consider COA’s finding­s as well as to comply with its statutory mandate to approve a rate that provides electri­city to consumers ‘in the least cost manner’ as expressly provided in ERC’s charter,” sabi ng desisyon ni Carpio.

Binigyang-diin pa sa desisyon ng SC na dahil ang Meralco at iba pang mga electricity distribution uti­lity ay mga monopolya kung saan hindi makakapili ang mga consumer, binabantayan dapat ng pamahalaan ang sinisingil ng mga ito.

Inutusan din ng SC ang ERC na muling kwentahin ang tama o makatarungang halaga na maaa­ring singilin sa mga consumer.

Ang kaso ay dinulog ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore) Inc. na pumalag sa pagkampi ng Court of Appeals sa mga desisyon ng ERC kaya’t naghain ito ng petition for review on certiorari sa SC. (Eileen Mencias/PNA)